top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Ika-125 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 12, 2023
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 12, 2023



Ngayong Lunes, Hunyo 12 ay mamarkahan ng Pilipinas ang ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan at kauna-unahang ipagdiriwang ang national holiday na ito sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (P-BBM).

Ngayong taon, maraming grupo at mga tagapagtaguyod sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa buong mundo ang nagsasagawa ng mga pagdiriwang, paggunita at mga aktibidades na makapagbibigay ng kahalagahan sa kasaysayan hinggil sa tinatamasang kalayaan ng mga Pilipino.

Pinakamahalaga ang araw na ito sa kasaysayan ng bansa na ginugunita tuwing sasapit ang petsang ito na tinatawag nating ‘Araw ng Kasarinlan’ o Independence Day upang maipaabot din natin sa mga bagong lahi ang paghihirap ng ating mga ninuno.

Regular holiday ito sa Pilipinas na ipinagdiriwang taun-taon bilang paggunita sa deklarasyon ng ating bansa noong Hunyo 12, 1898 na simula ng ating kalayaan mula sa mahabang panahong pananakop sa atin ng mga Kastila na labis na nagpahirap sa mga kababayan natin.

Ang pagtalima taun-taon sa Independence Day ay nagsimula makaraang lagdaan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal ang Republic Act No. 4166 noong Agosto 4, 1964 na isa na itong legal holiday.

Ang naturang batas ay base sa deklarasyon ni General Emilio Aguinaldo at ng puwersa ng rebolusyonaryong Pilipino na nagsikap para makakawala tayo sa kalupitan ng mga Kastila na hanggang sa mga sandaling ito ay hindi nakakalimutan ng mga umukit ng kasaysayan.

Noong 1898, sa kauna-unahang pagkakataon ay itinaas ang bandila ng Pilipinas kasabay ng pagpapatugtog ng ating pambansang awit ngunit ang inakala nating kalayaan ay napakaiksi lamang dahil sa hindi kinilala ng Kastila at ng Estados Unidos ang isinagawa nating deklarasyon.

Ang kasunduan sa Paris noong 1898, ang siyang naging dahilan kaya tuluyan nang nahinto ang giyera sa pagitan ng Espanya at United States — isinuko ng mga Kastila ang buong kapuluan at ikinompromiso sa mga Amerikano.

Panibagong pakikibaka nang magsimula naman ang pag-aalsa ng Pilipinas laban sa Amerika noong 1899 at nakamit natin ang pambansang soberenya noong Hulyo 4, 1946 hanggang sa maaprubahan ang RA No. 4166 na siyang nagdeklara bilang holiday ang Hunyo 12.

Ngayon, ang Independence Day ay special public holiday, ito ay araw ng pahinga o day-off para sa lahat ng ating mga nagtatrabahong kababayan, walang pasok sa eskuwela at karaniwan ay sarado ang ilang mga negosyo, tulad nang ginagawa natin ngayong araw.

Karaniwang ginugunita ang Independence Day sa pagsasagawa ng mga parada na nilalahukan ng mga mag-aaral, empleyado ng pamahalaan, mga manggagawa at iba pang sektor upang hindi makalimutan ng ating mga kababayan ang makasaysayang pangyayari.

Ngunit ang pinakaaabangan ay ang parada ng mga pulis at sundalo na pinangungunahan ng Pangulo ng bansa at karaniwang nagwawakas sa isang talumpati at pagbibigay ng 21-gun salute.

Ilang panahon ding hindi natin maayos na naipagdiwang ang Independence Day dahil sa kasagsagan ng pandemya ngunit bagama’t nananatili pa rin ang pandemya ay hindi na ito kasing lupit ng mga nagdaan nating karanasan na halos huminto na ang ating buhay.

Ngayon, mas lalo nating dapat gunitain ang Araw ng Kalayaan dahil bukod sa tunay na kahulugan ng katagang ito na ating inaalala ay unti-unti na rin tayong lumalaya sa banta ng COVID-19 bagama’t hindi pa tuluyang nawawala.

Iba-iba ang paraan na puwede nating gawin para ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan, kung mayroon tayong sariling Philippine Flag ay maaari natin itong ilagay sa labas ng ating mga tahanan, sasakyan o opisina — lalo pa at ipinagdiwang lang natin noong nakaraang Mayo 28 ang National Flag Day.

Kunan natin ito ng larawan at kung maaari ay i-post natin sa social media upang mas marami pa ang maabot ng isinasagawa nating paggunita o kaya ay makilahok sa iba’t ibang social media platform na sabay-sabay tinatalakay ang pagdiriwang na ito.

Sa mga may kakayahang gumawa ng mga makahulugang artwork ay ito ang panahon upang magpinta at ibahagi sa ating mga kababayan ang inyong obra na makapagbibigay kulay bilang isang Pilipino.

Sa mga ina ng tahanan, magandang pagkakataon ito upang maghanda ng iba’t ibang klase ng lutong Pilipino, tulad ng adobo, sinigang at iba pa -- lalo na sa mga pamilyang mas piniling magsama-sama sa halip na mamasyal sa ibang lugar upang gawing kapaki-pakinabang ang holiday.

Bisitahin ang mga historical sites sa bansa gamit ang internet, tutal marami nang video sa YouTube, kasama ang mga anak o maliliit na apo, o kaya ay manood ng mga makasaysayang pelikula.

Mahalagang kahit isang araw ay maisip ng mga kabataan na malaya nilang nagagawa ang kanilang mga gusto tulad ng pagsasayaw, pag-awit, pakikilahok sa mga palakasan at iba pang gawain dahil sa kabayanihan ng mga magigiting na Pilipino.

Walang ibang magsusumikap para isalin ang ating kasaysayan sa mga susunod na lahi kung hindi tayong mas nakatatanda, kaya huwag tayong pumayag na hindi makarating sa mga kabataan ang pagsisikap ng ating mga ninuno para sa tinatamasa nating kalayaan!

Happy Independence Day! Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page