Iisang RFID sa lahat ng expressway, iwas-gastos at perwisyo
ni Ryan Sison - @Boses | August 11, 2022
Pinabibilisan sa Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng Toll Interoperability Project (TIP), partikular ang pagkakaroon ng iisang Radio Frequency Identification (RFID) sticker para sa lahat ng toll expressways.
Ito ay sa ilalim ng House Resolution No. 159 na inihain ni House Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos (Ilocos Norte 1st District), kasama ang iba pang mambabatas na kinabibilangan nina Caloocan City 3rd Dist. Rep. Dean Asistio, Parañaque City 1st Dist. Rep. Edwin Olivarez, Cavite 1st Dist. Rep. Ramon ‘Jolo’ Revilla III at Caloocan 1st District Rep. Oscar "Oca" Malapitan.
Ayon sa mga mambabatas, nagdudulot ng perwisyo sa mga motoristang bumabiyahe sa iba’t ibang tollway roads ang patuloy na pagkaantala ng naturang proyekto.
Gayunman, sa ilalim ng Phase 2 ng TIP, papayagan pa rin ang RFID wallets na parehong magamit sa alinmang toll expressways, habang sa Phase 3, iisang RFID sticker na lamang ang gagamitin para sa lahat ng toll payment booths.
Matatandaang noong 2017 nang inilunsad ng DOTr ang proyekto at nagkaroon ng maayos na pagpapatupad dahil sa COVID-19 pandemic, gayung naging bahagi ito ng health protocols. Upang maiwasan ang pagkalat ng virus, nagkaroon ng cashless o no contact transactions sa pagbabayad sa lahat ng toll plaza.
Enero 2021 nang itinakda ng DOTr ang deadline sa lahat ng may-ari ng mga pribado at pampublikong sasakyan na magpakabit ng RFID sticker, subalit dahil magkakaiba ang toll operators, kinakailangan pang magpalagay ng AutoSweep at Easytrip RFID stickers ang motor vehicle owners.
Malaking ginhawa para sa mga motoristang gumagamit ng expressway ang naturang proyekto, pero ang tanong, kailan ito mapapakinabangan?
Tulad ng mungkahi ng mga mambabatas, sana nga’y mapabilis na ang pagpapatupad ng iisang RFID dahil iwas-gastos at bawas-perwisyo ito sa mga motorista.
Panawagan sa mga kinauukulan, hindi porke umuubra ang kasalukuyang sistema, hindi na tayo gagawa ng paraan upang mapadali pa ito, kaya plis lang, galaw-galaw tayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments