Iisang batas at multa sa trapiko, iwas-gulo
@Editorial | April 15, 2023
Plano rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) na maipatupad ang single ticketing system sa buong bansa.
Una nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement kaugnay ng Single Ticketing System interconnectivity na ipatutupad sa ilang lugar sa National Capital Region (NCR).
Kaugnay nito, magkakaroon muna ng pilot testing sa Mayo 2, sa pitong lungsod kabilang ang San Juan, Muntinlupa, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Manila at Caloocan.
Kapag nagtagumpay, puwede nang mapaghandaan ang pagpapatupad nito maging sa iba pang lugar sa bansa.
Sa ilalim ng sistema, iisa na lang ang existing national at local laws kaugnay ng traffic enforcement pati na rin ang multa sa mga pasaway.
Ilan sa karaniwang mga paglabag sa ilalim ng single ticketing system ang illegal parking, overloading, defective motor vehicle accessories, dress code violations, obstruction, disregarding traffic signs, number coding, truck bans, at ang tricycle bans. Ito ay mga paglabag na hindi lang sa Metro Manila nangyayari kundi maging sa mga probinsiya.
Sa pamamagitan ng bagong sistema, hindi lang maiiwasan ang korupsyon at mga negosasyon sa gitna ng motorista at opisyal, mababawasan din ang mga insidente ng bangga sa kalsada.



Comments