Iinit ang pagbabalik ng riders sa Stage 8 ng Tour of Luzon
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Elyssa Nichole @Sports | May 7, 2026

Photo: Nagpahinga sa Pagudpud, Ilocos Norte ang mga siklista tampok ang apat na nangungunang riders ng MPTC Tour of Luzon na sina Joe Dae Yeong, Nikita Shulchenko, Yousef Ibrahim Alrefai at Pinoy Mervin Corpuz kahapon. (mptcpix)
Pagudpud, Ilocos Norte - Mas iinit ang labanan para sa overall title pagbalik padyak ng mga siklista sa Stage 8 ng MPTC Tour of Luzon 2026, ngayong araw.
Nagkaroon ng isang araw ng pahinga kahapon kaya asahang lahat ng teams ay nagplano kung paanong diskarte ang gagawin paglarga ng 157.40 kms. na magsisimula sa Pagudpud at magtatapos sa Paoay, Ilocos Norte.
Halos lahat ng mga mata ng coaches at siklista ay nakatutok sa may suot ng yellow jersey at Stage 7 Individual Time Trial winner, Russian rider Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycling Team.
Nakalikom si Shulchenko ng kabuuang 19 oras, 31 minuto at 20 segundo sapat upang ikahon ang top spot ng Individual General Classification, nakaungos ito ng isang minuto at 38 segundo sa kakamping si Syrian cyclist Ibrahiem Yousef Alrefai.
Malaki ang lamang ni Shulchenko sa ibang katunggali, bentahe siya ng apat na minuto at 15 segundo sa third placer sa IGC na si Pinoy rider Mervin Corpuz ng 7Eleven Cliqq Roadbike Philippines.
Nasa pang-apat na puwesto ang teammate ni Corpuz na si Ronnilan Quita at naghahabol ito sa overall leader ng 4 na minuto at 46 segundo.
Pero ayon kay Head Commissaire Lorenzo "Jun" Lomibao Jr. hindi pa masasabi kung sino ang mananalo dahil mas mahirap ang pedalan sa huling 7 stages na natitira at isa sa tinutukoy niya ay ang akyatin sa Bessang Pass sa Cervantes, Ilocos Sur sa Stage 10.
Isang Hors Categorie climb ang Bessang Pass na tinatayang may 30 kilometers na akyatin. "Anything can happen," patungkol ni Commissaire 2 Sunshine Joy Vallejos sa Bessang Pass.
May 148.4 kilometers ang Stage 8 Pagudpud - Paoay, Ilocos Norte ang bakbakan ngayong araw.




Comments