Igalang ang boses ng nakararami
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 11, 2022
Tapos na ang halalan. Nagdesisyon na ang ating mga kababayan. Igalang po natin ang naging resulta dahil iyon naman ang nararapat, na sa demokrasya at sa ganitong pagpapasya ng taumbayan ay ang boses ng higit na nakararami ang dapat manaig.
Hindi naman maiiwasan na may mananalo at matatalo talaga. Kung nagkaroon man tayo ng kanya-kanyang sinuportahan noong panahon ng kampanya hanggang sa bumoto tayo, isantabi na natin iyon. Ito na ang panahon para sa tunay na pagkakaisa.
Magsama-sama tayo dahil ang ikabubuti ng ating bansa ay nasa mga kamay nating lahat at hindi lamang sa mga inihalal natin.
Titiyakin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang maayos na transition at pagsasalin ng mandatong mamuno sa susunod na mga taon. Kung sino man ang bagong mauupo sa Palasyo, hindi siya mahihirapan sa kanyang mga unang araw dahil maayos ang sistema na kanyang daratnan.
Sisiguraduhin din ng Administrasyong Duterte na hindi maaantala ang pagkakaloob ng mga serbisyo sa ating mga kababayan — lalung-lalo na sa mga pinakamahihirap at walang ibang malalapitan. Tandaan natin na nasa panahon pa tayo ng pandemya kung kaya’t hindi dapat masayang ang oras sa paglilingkod sa tao kahit sinuman ang nakaupo. Unahin natin palagi ang interes ng ating mga kababayang umaasa sa tulong ng kanilang gobyerno.
May pakiusap lang ako sa mga nanalo sa halalan kahit ano man ang posisyon na inyong hahawakan — unahin po ninyo ang kapakanan ng inyong mga pagsisilbihan.
Alalahanin natin na kaya tayo pumasok sa serbisyo-publiko ay para maging manggagawa ng gobyerno at representante ng taumbayan na ang pangunahing tungkulin ay pakinggan ang kanilang hinaing at solusyunan ang kanilang mga suliranin.
Iniluklok tayo sa puwesto para ipaglaban ang mga karapatan at isulong ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Gusto kong gamitin ang pagkakataong ito para pasalamatan rin ang ating mahal na Pangulong Duterte. Siya ang kumakatawan sa tunay na malasakit at serbisyo. Dahil sa kanya, nagkaroon tayo ng pamahalaan na ang laging pangunahing layunin ay ang pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa lipunan. Ipinangako niya ang isang gobyernong tapat, at sa ating pagsulong at pag-unlad ay walang maiiwan sa ating mga kababayan sa paglasap ng ligtas at komportableng buhay.
Sa panahon ng ating mahal na Pangulo nagkaroon ng Golden Age of Infrastructure. Nakikita natin ngayon ang mga paliparan, daungan, tulay at mga daan na pakikinabangan ng mga susunod na henerasyon ng Pilipino. Umaasa ako na sa kamay ng ating mga bagong lider ay hindi nila sasayangin ang mga pagbabagong kanyang sinimulan — lalung-lalo na ang laban kontra ilegal na droga, korupsiyon, kriminalidad at iba pang katiwalian.
Sa aking trabaho bilang senador kahit isang boto lang ako sa Senado, titiyakin ko na ipagpapatuloy at isusulong ang magagandang programang makatutulong sa mahihirap gaya ng mga panukalang batas para makalikha ng mas maraming trabaho, pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon, peace and order at, ang pinakamahalaga, ang para sa kalusugan ng ating mga kababayan.
Ipagpapatuloy ko po ang pagpaparami at pagpapalakas ng serbisyo ng Malasakit Center sa buong bansa. Hindi rin ako titigil sa pagsusulong ng mga panukalang batas para madagdagan pa ang ating mga ospital at mas mapalakas ang ating healthcare system lalo’t nananatiling banta pa rin ang COVID-19. Prayoridad ko rin ang pagtulong sa ating mga bagong bayani, ang mga OFWs. Hindi sila dapat mapabayaan, maging ang kanilang pamilya.
Pangako ko sa sambayanang Pilipino na patuloy ang aking pagtulong sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo. Kahit saang sulok kayo ng bansa, basta kaya ng aking oras at katawan, ay maglilingkod ako sa abot ng aking makakaya para masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon bilang isang mas matatag at nagkakaisang sambayanang Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments