top of page
TEKA NGA - KIM, BIGLANG INIWAN ANG CAREER SA ‘PINAS PARA TUMIRA SA CANADA_IG _chinitaprinc

Idol ang Comedy King at si Babalu… MALUPITON, BAGONG DOLPHY

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
2 min read

ni Vinia VIvar @Frankly | October 12, 2026



FRANKLY - MALUPITON, BAGONG DOLPHY_FB Malupiton Official

Photo: FB Malupiton Official



Excited man, hindi maikakaila ang kaba at pressure na nararamdaman ng online sensation at komedyanteng si Malupiton sa kanyang first lead movie na He’s Dating a Boldstar (HDAB).


Makakatambal niya sa sexy-comedy film ang Kapuso actress at Bubble Gang star na si Analyn Barro.


Sa ginanap na mediacon ng pelikula sa direksiyon ni Niokz Arcega, inamin ni Malupiton, o Joel Navanera sa totoong buhay, na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na mayroon na siyang sariling pelikula kung saan siya ang bida.


Aminado ang komedyante na nakakaramdam siya ng matinding nerbiyos at pressure, pero mas nangingibabaw ang excitement at pride sa proyektong ito.


“Nakakakaba na nakaka-excite. Gusto ko pong maibalik ang comedy era nina Dolphy at Babalu. ‘Yung ganu’ng klase po ng comedy, ‘di ba?” ani Malupiton.


Kilala sa kanyang natural na humor at relatable na mga banat online, umaasa si Malupiton na maipakita sa pelikula ang klasikong Pinoy comedy na kinagiliwan ng maraming henerasyon.


Para naman kay Direk Niokz, umaasa siyang magiging bahagi ang HDAB ng muling pagsigla ng golden era ng Philippine comedy.


Kuwento ng direktor, isa sa mga unang tanong niya kay Malupiton ay kung kilala nito ang legendary comedian na si Dolphy. Nang malaman niyang pamilyar ang vlogger sa comedy icon, naging daan ito upang masimulan ang kanilang collaboration.


“Nu’ng tinawagan ko s’ya, una kong agad na itinanong kung kilala n’ya ba si Dolphy. Sabi n’ya, oo raw kaya sige, game, gawa tayo ng pelikula!” pagbabahagi ni Direk Niokz.


Ayon pa sa direktor, hindi naging madali ang paghahanap ng mga bagong komedyanteng maaaring magpatuloy sa legacy nina Dolphy, Babalu at Redford White.

“For the longest time, akala ko, ‘di kami makakahanap. Ang hirap maka-discover ng mga new comedians kagaya nila,” ani Niokz.


Sa pamamagitan ng pelikula, umaasa ang direktor na muling maipakilala sa bagong generation ang klasikong style ng Pinoy comedy habang nagbibigay ng pagkakataon sa mga bagong talento na makilala sa big screen.


Sa kuwento ng HDAB, gagampanan ni Malupiton ang karakter ni Jeboy na isang ordinaryong hotel employee na nangangarap ding maging singer.


Magbabago ang takbo ng kanyang buhay nang ma-in love siya kay Kit, ang karakter na gagampanan ni Analyn Barro, na may isang lihim—isa pala itong boldstar.


Sa pagsasama ng comedy, romance at sexy-comedy elements, inaasahang magbibigay ang pelikula ng nakakaaliw na kuwento tungkol sa pag-ibig at sa mga hindi inaasahang pangyayari sa buhay.


Para kay Malupiton, hindi lamang ito isang bagong milestone sa kanyang career kundi pagkakataon ding maipakita ang kanyang talento sa comedy sa mas malaking audience. 


Sa tulong ng pelikula, umaasa siyang makapagbigay ng saya sa mga manonood at makatulong sa muling pagpapasigla ng klasikong Pinoy comedy.


Makakasama rin sa cast sina Dominic ‘Happy Friend’ Biong, Joshua ‘Awut’ Padigos, Kolokoys TV, Aleck Bovick, Leandro Baldemor at Rob Sy.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page