top of page

Idle Land Tax at Tax Holiday ang dapat pagdebatehan, hindi gasgas na isyu sa Land Use Act

  • BULGAR
  • Nov 20, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | November 20, 2022


Nagdebate sa Senado kaugnay ng kumbersyon ng mga lupang tinataniman ng palay tungo sa gamit komersyo at pang-industriya.


Hindi maiiwasan ang kumbersyon.


◘◘◘


ANG inyong abang-lingkod ay lehitimong magsasaka sa Bulacan.


At maraming nalilihis sa isyung ‘yan dahil sa kawalan ng aktwal na karanasan at pagsasaliksik.


◘◘◘


ANG industriyalisasyon at komersiyalisasyon ng lugar ay hindi kailanman maiiwasan.


Ang kumbersyon ng lupain kahit pa tinataniman ng palay ay indikasyon ng ibayong pag-unlad ng isang lugar.


◘◘◘


KAHIT isa tayong magsasaka, maling pigilin ang kumbersyon.

Pero, ang itengga ang bukirin gamit ang kumbersyon sa matagal na panahon ay dapat ipagbawal.


Ibig sabihin, kapag nai-convert ito tungo sa gamit sa industriya o komersyo—dapat agad itong i-develop o maging productive sa loob ng isa o dalawang taon.


◘◘◘


ANG malaking problema, tulad sa Bulacan at iba pang lugar—itinetengga o nagiging idle lands ang mga bukirin na pinakyaw o binili ng mga korporasyon sa murang halaga.


Ang pagtetengga nang ilang taon—ay iskema upang palobohin o maghintay ng mas mataas na presyo “sa real estate trading”.


Malinaw na ang pagpakyaw sa mga bukirin—ay pinagkakakitaan na tulad sa “stock trading”—pinalolobo ang presyo ng lupa—nang hindi binubungkal.


‘Yan ang malaking kasalanan at ‘yan ay paglabag sa batas.


◘◘◘


HINDI “national land use act” ang kailangan, bagkus ay pagpapanatili sa mga ricelands o lupain na maging productive.


Mula sa kakarampot na “income” bilang ricelands, walang masama na i-convert ito para sa industrial use o commercial purposes—na higit napakikinabangan ng bansa at mamamayan.


Pero, itiniwangwang ang dating productive land nang matagal na panahon—ay kasalanang mortal.


◘◘◘


ANG kailangan ay patungan ng “idle land tax” ang mga korporasyon na namamakyaw ng ekta-ektaryang lupain pero itinetengga o nakatiwangwang lamang ng ilang dekada.

Gasgas nang isyu—ang bukirin na ginawang subdivision o ginawang pabrika, hindi ito masama at lehitimo ‘yan at moral.


Sa totoo lang, maraming magsasaka ang “biglang yaman”, matapos ibenta ang kanilang bukirin sa mataas na halaga—tungo sa komersyalisasyon.


Walang nilabag na batas d’yan at ‘yan ay tugon sa moralidad.


◘◘◘


ANG pagpapalaki ng produksyon ng palay—ay kakambal ng pagpaparami ng binubungkal na lupain—pero hindi para pigilin ang kumbersyon, bagkus ay bungkalin ang mga nakatiwangwang na lupain sa mga panot na kabundukan.


Ang paglalagay ng irrigation system at paggamit ng heavy equipment upang mataniman ng palay—ang mga idle lands—ang siyang pinakaepektibong sistema at iskema para maparami ang produksyon ng palay.


Industrial farming ang tawag d’yan na dapat mag-invest ang mga pribadong korporasyon kasabay pag-aalok ng tax holiday ng gobyerno.


◘◘◘


ANG isyu ng idle land tax at tax holiday sa industrial farming ang dapat pinagdedebatehan sa Kongreso at hindi ang gasgas na isyu sa land use act.

Bakit hindi ‘yan ang pinag-uusapan?


Likas bang bopol ang mga mambabatas o may iba silang agenda bukod sa pagpapapogi lamang sa publiko?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page