ICC, may “secret warrant”
- BULGAR

- 3 days ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | May 11, 2026

Photo: File / International Criminal Court
Nilinaw ng International Criminal Court (ICC) na walang inilabas na public arrest warrant kasunod ng napaulat na naglabas umano ng arrest warrant ang korte laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
“No public arrest warrants have been issued,” ayon kay ICC spokesperson Oriane Maillet.
Tumangging magkomento si Maillet nang tanungin para kumpirmahin kung naghain ng aplikasyon ang ICC prosecution para sa isang warrant laban kay Dela Rosa, at kung ang kanyang pahayag ay nangangahulugan ng isang warrant ngunit hindi pa nabubunyag sa publiko.
“We cannot speculate on these matters or on any confidential information,” diin ni Maillet.
Ito ay kasunod ng napaulat kahapon na papunta umano ang mga otoridad para magsilbi ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa.
Sinabi rin ng Department of Justice na wala pang impormasyon hinggil sa naiulat na pag-aresto sa senador.
Nauna nang pinangalanan ng ICC Office of the Prosecutor si Dela Rosa, kasama ang pitong iba pa, bilang mga umano’y co-perpetrators sa kasong crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon naman kay ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, nag-iisyu ng secret warrant ang ICC depende sa pagsasaalang-alang sa mga sitwasyon ng mga akusado.
Ani Atty. Conti, hindi nangangahulugang walang warrant of arrest kahit sinabi ng ICC na walang public warrant. May dalawang uri aniya ng warrant: public at secret. Ang public warrant ay inilalabas sa publiko, habang ang secret warrant ay hindi isinasapubliko.
Aniya, secret warrant ang inisyu ng ICC laban kay dating Pangulong Duterte.
Ang paglalabas ng ganitong uri ng warrant ay nakadepende sa pagsusuri ng mga sitwasyon sa bansang kinaroroonan ng akusado.





Comments