top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

ICC, dapat magpokus sa mga bansang mas magulo at walang umiiral na hustisya

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 21, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 21, 2023


Masyado nang umiinit ang usapin hinggil sa pagpapatuloy ng International Criminal Court (ICC) sa pag-usig sa ilang halal at matataas na namuno ng Pilipinas, na maaaring magbunga sa pag-uutos nito sa pag-aresto sa kanila.


Noong Hulyo 18, hindi pinagbigyan ng ICC appeals chamber ang hiling ng Pilipinas na huwag nang ituloy ang isinasagawang imbestigasyon sa war on drugs at ang isyu hinggil sa umano’y death squad sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Tatlong huwes ng ICC appeal chamber ang nagbigay ng botong pabor samantalang dalawa naman ang nagpahayag ng pagtutol dahil hindi umano isyu ng hurisdiksyon ang naging basehan ng desisyon.


Ayon sa ICC appeal chamber, wala umanong naging mali sa naging desisyon ng kanilang pre-trial chamber na payagan ang prosecutor na ituloy ang imbestigasyon. Kaugnay nito ay nagbigay ng babala ang Department of Justice (DOJ) sa ICC na huwag nang magpumilit na pumasok sa bansa para ituloy ang imbestigasyon sa war on drugs sa nagdaang Duterte administration.


Hindi umano welcome ang ICC sa bansa at maging ang solicitor general ay nakatakda na ring kausapin ng pamunuan ng DOJ na itigil na ang pakikipag-ugnayan sa ICC at huwag na silang bigyan ng importansya.


Marami nga namang bansa na higit na magulo at walang umiiral na hustisya ang dapat na pagtuunan ng pansin ng ICC at ‘di ang ating bansa na patuloy na umiiral ang batas at katahimikan.


Sa bagay, matindi ang paninindigan ni dating Pangulong Duterte bilang independent at sovereign state ay ang korte lamang sa Pilipinas ang maaaring duminig sa kahit anong krimen na isinagawa sa bansa. Hindi naman nagtatago si dating Pangulong Duterte at handa rin niyang harapin ang lahat ng akusasyong ipinupukol sa kanya kahit anong panahon basta’t sa Pilipinas at sa mga huwes lamang ng bansa.


Ngayon unti-unti nang pumupihit ang usapin hinggil sa napipintong paglalabas ng warrant of arrest ng ICC laban sa ilang halal na opisyal at hindi lang ordinaryong opisyal dahil senador at dating pangulo ang puntirya.


Ako, bilang senador ay mariin kong dinidepensahan ang kapwa ko senador na si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa at dating Pangulo na si Rodrigo Duterte na kapwa namumuno sa kampanya laban sa ilegal na droga na nagbunga ng katahimikan at kaayusan sa ating komunidad.


Kung inyong matatandaan, sa panahon ng Duterte administration nagsimula na ang ating mga kababayan na hindi na natatakot maglakad sa mga lansangan kahit sa madidilim na lugar pa dahil sa nawala na ang mga gumon sa bawal na gamot na nanghoholdap o gumagawa ng iba pang krimen.


Naging paborito lang kasing gamitin na pangontra ng mga nasagasaan, mga kritiko at mga kalaban sa pulitika ni Duterte ang ginawa niyang paglaban sa talamak na sitwasyon sa bawal na gamot at ang pinalalaki ay ang mga nasawi dahil nadamay sa operasyon ngunit hindi pinalalaki na nabawasan ang krimen hinggil dito.


Hindi tayo papayag sa malinaw na panghihimasok na susubukang gawin ng ICC sa ating bansa.


We do not need to remind them that we are a free, independent, and sovereign nation governed by our laws, kung mayroong pananagutan, sa batas ng ating bansa dapat managot, hindi sa mga dayuhan.


Naguguluhan tayo sa ICC kung bakit pursigido sila, halata namang walang basehang pag-usig, samalantalang ang matinding crime against humanity sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay kasalukuyang nagaganap pero hindi sila nakikialam kaya halatang-halata na may iba silang motibo.


Hindi tayo maloloko ng ICC na pakay nila ang hustisya dahil ang ginawa nilang pambu-bully ay para sa sarili lamang nilang interes at maliwanag na may kaugnayan sa pulitika.


Ginawa na nila ito sa iba’t ibang bansa na imbes mabigyang hustisya, ay lantaran nilang binalasubas ang umiiral na batas.


Kaya ayon sa pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ibibigay ng Senado ang proteksyon nito sa mga senador at kailanman ay hindi isusuko ang integridad at kasarinlan ng institusyon, lalo pa sa interes ng mga dayuhan.


Saan ka nakakita na binobomba at pinapatay ang mga sibilyan, guro, mga bata at mga musmos sa ibang panig ng mundo pero itong ICC, si Bato at Duterte pa rin ang pinanggigigilan.



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page