@Editorial | November 10, 2023
Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumago ang ekonomiya ng Pilipinas sa ikatlong quarter ng taong 2023.
Nasa 5.9 percent ang economy growth sa ikatlong quarter, mas mataas ito kumpara sa 4.3 percent noong ikalawang quarter.
Sinabi naman ng Presidential Communications Office, na naungusan ng Pilipinas ang Vietnam, China, Indonesia at Malaysia. Ang tanong, ramdam ba ng mamamayan lalo na ng mahihirap?
Tulad ng inaasahan, marami ang nagtaas ng kilay sa inilabas na report ng PSA. Kung lumago umano ang ekonomiya, bakit marami ang hirap makasabay sa presyo ng mga bilihin? Bakit dumami na naman ang tambay?
Kamakailan nang ilabas din ng PSA ang ulat na tumaas ang bilang ng walang trabaho sa bansa partikular nu’ng Setyembre kumpara sa sinundan nitong buwan.
Ayon sa PSA, ang porsyento ng kawalan ng trabaho sa bansa nu'ng Setyembre ay 4.5% o 2.26-milyong Pinoy na walang trabaho na bahagyang mas mataas sa 4.4% nu'ng Agosto.
Sana, kung gaano kadali na sabihin sa publiko na lumago ang ekonomiya ay ganu'n din kadali na maranasan ng taumbayan ang sinasabing pag-unlad.
Ngayong magpa-Pasko, may iilan na tiyak na magarbo ang pagdiriwang habang may iba na itutulog na lang ang gutom at kayod uli kinabukasan.
Comments