top of page

Ibayo at maagap na pag-iingat, dapat ipatupad!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 28, 2020
  • 2 min read

ni Grace Poe - @Poesible | December 28, 2020



Hello, mga bes! Kumusta ang naging pagdiriwang ninyo ng Pasko?


Ibang-iba ang selebrasyon natin ngayong taon dahil sa pandemyang dala ng COVID-19. Dahil sa panganib ng transmisyon ng nasabing virus, wala ang malalaking Christmas party at reunion.


Gayunman, sana’y naging masaya ang inyong simpleng pagdiriwang ng Pasko sa inyong mga tahanan kasama ang inyong pamilya o mahal sa buhay.


Noong unang nabalita ang coronavirus, marami ang nag-isip na tatagal lamang ito ng ilang buwan. Ngayon, patapos na ang taon pero wala pa tayong natatanaw na tiyak na katapusan nito. Bagama't positibo ang balita na mayroon nang bakuna para rito, wala pa ito sa ating bansa. Kung magkaroon man, hindi natin alam kung kailan ba talaga ito makakarating sa atin at maibibigay sa ating mga kababayan.


Dagdag na alalahanin pa ang kumpirmasyon ng United Kingdom ng panibagong strain ng virus na sinasabing 70% na mas mabilis kumalat kaysa sa una. Noon pa man, nagbabala na ang mga eksperto na posibleng magkaroon ng mutasyon ang virus, at nangyari na nga.


Kasama tayo sa mga nananawagan sa ating pamahalaan na bigyang-konsiderasyon na ang istriktong border control. Sa ganitong pagkakataon, hindi puwede ang patumpik-tumpik na aksiyon. Kung hindi natin ito gagawin, matutulog na naman tayo sa pansitan tulog ng nangyari noong unang bugso ng impeksiyon. Kailangan natin ng maagap na aksiyon.


Mga bes, kailangan ang kooperasyon ng lahat para sa kaligtasan natin. Maging maingat tayo sa lahat ng pagkakataon. Mapapakamot ka na lang ng ulo kapag nakita mo ang makapal na tao sa pamilihan dahil may sale. Huwag makipagsiksikan para makabili ng murang damit o pantalon. Sampung beses o higit pa ng natipid ninyo ang gagastusin sa pagpapagamot kapag dinapuan kayo ng coronavirus! Maraming pagkakataon para mamili at maglibang, huwag muna ngayon. Gawin nating prayoridad ang manatiling ligtas at buhay sa panahong ito.


Sa pagsalubong natin ng bagong taon ilang araw mula ngayon, sana’y maging mas maamo ang kapalaran at panahon sa ating lahat ngayong darating na 2021. Dalangin ko at ng aming pamilya na makahanap pa rin ng ipagpapasalamat ang bawat isa, sapat para masabi nating masarap pa ring mabuhay sa kabila ng lahat.


Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page