top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | December 20, 2021



Ilang araw na lamang ay Pasko na. Habang nananabik ang marami sa parating na pagdiriwang, ang mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao na sinalanta ng Bagyong Odette ay naghihintay na magkaroon ng kuryente at linya ng komunikasyon.


Pambihira ang naging pinsala ng nasabing bagyo sa mga dinaanan nito. Matindi ang pagkasira sa mga pag-aari at imprastruktura sa mga lalawigan at bayang nasalanta.


Kalunus-lunos, halimbawa, ang lumalabas na larawan sa social media ng nangyari sa Siargao at iba pang lugar.


Nagsisimula pa lang bumangon ang ating mga kababayan mula sa pagkakalugmok dahil sa pandemya, narito naman ang bagyo. Marami tuloy ang nagtatanong, anong pagsubok pa ba ang darating sa kanila at kung makakaya pa ba nila ito?


Ang isip at puso natin ay nasa mga kababayan nating lubos na apektado ng nagdaang kalamidad. Sa pagkakataong tulad nito, nais nating buhayin ang ating panawagan ng suporta para sa pagtatatag ng kagawaran sa pamahalaan na nakatutok talaga sa disaster risk reduction and management. Sa gitna ng climate change at lokasyon ng ating bansa na daanan talaga ng bagyo at nasa Pacific Ring of Fire na nililindol, ang paghahanda at pagpaplano para sa mga kalamidad ay nararapat na bigyang-prayoridad.


Natutuwa tayong makitang buhay ang espiritu ng bayanihan tuwing may sakuna. Saludo tayo sa mga kababayan nating gumagawa ng paraan para makapag-ambag at makapagparating ng kanilang tulong sa mga nasalanta. Gayunman, pamahalaan ang pangunahing may tungkulin para sa kaligtasan at pagkalinga sa mga apektado ng kalamidad. May mga mekanismong umiiral na sa kasalukuyan pero mas mapagbubuti ito kapag gagawin nating institusyonal ang disaster risk reduction and management sa pamamagitan ng pagbubuo ng departamentong ito talaga ang pangunahing trabaho.


Sa panahon ng kalamidad, napakahalaga ng maliksi at agarang disaster response. Nakatulong ang pagkakaroon ng disaster alerts bunga ng inakda nating batas, ang Republic Act No. 10639 o ang Free Mobile Disaster Alerts Act. Ang maagap na paglilikas na ginawa ng mga local government unit ay nakatulong nang malaki para iligtas ang buhay ng mamamayan. Prayoridad palagi ang buhay.


Sabi nga ng ating matatanda, daig ng maagap ang masipag. Ang kailangan ng ating bansa ay malawakang plano at programa para sa paghahanda sa panganib ng mga kalamidad at sakuna na magagawa natin nang mas maayos sa pamamagitan ng Department of Disaster Resilience and Emergency Assistance and Management.


 
 

ni Grace Poe - @Poesible | November 23, 2021



Nakababahala ang ginawang pagpigil ng China sa pagpasok ng supply boats sa Ayungin Shoal na magdadala sana ng supplies sa mga military personnel na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre.


Kung matatandaan, ang BRP Sierra Madre ang navy vessel na nagsisilbi nating marine outpost sa nasabing shoal.


Ayon sa mga opisyal ng China, pinigilan nila ang dalawang supply boats dahil nag-trespass daw ito sa kanilang teritoryo. Aba, hindi puwede ang ganito!


Ang West Philippine Sea, kabilang ang Ayungin Shoal ay pag-aari ng sambayanang Pilipino.


Bahagi ito ng ating teritoryo bilang isang bansa. Kaya nga West Philippine Sea ang tawag natin, dahil karagatan ito ng Pilipinas.


Walang hurisdiksiyon ang China sa karagatang sa loob ng ating exclusive economic zone.


Walang karapatan ang nasabing bansa na harangin ang mga bangkang nagdadala ng mga pangangailangan ng ating sandatahang lakas.


Dapat ipamalas ng ating pamahalaan ang matibay na paninindigan at determinasyon upang tutulan ang agresibong gawain ng China. Kailangan nating bigyang-diin ang karagatang sakop ng ating teritoryo.


Dahil sa aksiyon ng destabilisasyon ng China, mahalagang igiit natin ang ating karapatan alinsunod sa umiiral na batas-internasyunal.


Papayag ba tayong pagbawalang pumasok sa ating sariling pag-aari? Puwede ba tayong hadlangang tumuntong sa ating sariling teritoryo?


Tama na ang ganitong panggigipit sa mga Pilipino. Iginagalang natin ang China, dapat igalang din nila tayo at ang ating karagatan.


Hindi tayo dapat magpasindak sa West Philippine Sea. Alam natin ang atin; ipagtanggol natin ang atin.


Atin ang West Philippine Sea. Ipagtanggol natin ang ating sariling teritoryo.


 
 

ni Grace Poe - @Poesible | November 8, 2021



Higit kailanman, ngayon natin nakikita ang kahalagahan ng matatag at mahusay na sistemang pangkalusugan. Dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, napunta ang atensiyon ng sambayanan sa ating mga ospital at iba pang healthcare providers sa bansa.


Kinilala nating frontliners ang ating mga doktor, nurse, at iba pang kawani ng ospital.


Araw-araw, sila ang humaharap sa karamdaman para malapatan ng lunas ang mga kababayan nating nangangailangan ng atensyong medikal.


Sa kabila ng kanilang paglilingkod, pahirapan pa rin ang ating mga ospital sa pagkolekta mula sa Philhealth. Matagal nang naipagsilbi sa tao, mabibinbin pa sa paniningil sa gobyerno.


Matagal na nating kinakalampag ang Philhealth. Bilang nag-iisang health insurance agency ng pamahalaan, mabigat ang atas at responsabilidad nila sa maayos na pagtakbo ng sistemang pangkalusugan ng ating bansa. Binabantayan natin ang mga alegasyon ng korupsyon at iregularidad dahil ang pondo ng ahensyang ito ay pag-aari at para sa mga Pilipino. Kinakaltas ito sa mga manggagawa at naghahanapbuhay para masigurong may umiikot na pondo na ipambabayad sa mga benepisaryo.


Ang problema, napakaraming ospital na ang umaaray dahil hindi sila nakasisingil sa Philhealth.


Resulta nito, kailangang magbawas ng tao ng ilan, habang nanganganib nang magsara ang ilang institusyon. Kailangan nilang magpasuweldo ng tao at tustusan ang gastos ng operasyon.


Kapag hindi sila makakasingil para sa mga serbisyong naibigay na nila, hindi sila makapagpapatuloy sa pagsisilbi sa ating mga kababayan.


Walang silbi ang universal healthcare system na isinusulong ng pamahalaan kung hindi tatanggapin ng mga pribadong ospital ang Philhealth ng ating mga kababayan. Hindi natin sila masisisi dahil hindi sila makapagpapatuloy kung hindi sila mababayaran para sa reimbursement na dati pa dapat naibigay.


Hindi katanggap-tanggap na itinatayang nasa P20 bilyong piso ang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital nitong Agosto 2021. Nasaan ang pondo para rito? Kailangang magkaroon ng organisado at agarang plano ang Philhealth para sa pagbabayad ng mga pagkakautang nito.


Nakasalalay dito kung mabibigyan ng atensiyong medikal ang maraming kababayan nating nakaasa sa benepisyo.


Hindi puwedeng maging balasubas ang PhilHealth dahil bahagi ito ng gobyerno. Kahiya-hiya kung gobyerno pa ang hindi makabayad sa sariling obligasyon nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page