Ibang klase talaga ang Ati-atihan at Sinulog Festival
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 16, 2023
Marami sa ating mga Pilipino ang may kani-kaniyang paraan kung paano makapagpapasalamat ng taimtim sa Panginoon at hindi naman tayo naiiba sa marami nating kababayan na gumagawa nito.
Bilang bahagi ng ating taun-taong panata ay muli na naman tayong nagtungo sa Kalibo, Aklan para makilahok sa Ati-Atihan festival na isa sa pinaniniwalaan nating paraan nang pasasalamat sa Panginoon para sa lahat ng kabutihan niya.
Hindi naman lingid sa marami ang napakaraming pagsubok na dumaan sa ating buhay, ngunit heto pa rin tayo at nananatiling malakas at ligtas sa lahat ng kapahamakan dahil sa patuloy na paggabay sa atin ng Panginoon.
Higit na ating ipinagpapasalamat ay pagbibigay ng Panginoon sa atin ng pagkakataong makatulong sa ating mahihirap na kababayan, lalo na ‘yung mga nasalanta ng kalamidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa na labis-labis ang pangangailangan.
Ang Ati-Atihan festival ay isinasagawa tuwing buwan ng Enero bilang pagkilala sa Santo Nino (Holy Child o Infant Jesus) sa ilang bayan ng lalawigan ng Aklan, Panay Island, ngunit ang pinakamalaking selebrasyon ay isinasagawa sa Kalibo.
Ang festival ay binubuo ng prusisyon at parada sa mga kalye na nagpapakita ng naggagandahang floats habang may mga grupo na nagsasayawan na nakasuot ng makukulay na costume at ang iba ay may mga body paints pa habang tumutugtog ang iba’t ibang banda.
Ganap na alas-7: 00 ng umaga nang lumapag kami sa Kalibo Airport at doon ay sinalubong tayo nina Kalibo Mayor Juris Sucro, Makato Mayor Ramon ‘Monmon’ Legaspi at Aklan Governor Joen Miraflores at iba pang tagasuporta.
Mula rito ay nagtungo kami sa Kapitolyo ng Aklan at doon ay pinaunlakan namin ang inihandang almusal ng mga sumalubong sa atin at tuloy ay tinalakay na ang ilang mga suliranin ng lalawigan na maaari nating bigyan ng tulong.
Pagkatapos ng maikling talakayan ay sinumulan na natin ang talagang pakay natin sa naturang lugar na magtungo sa St. John the Baptist Church sa Kalibo at mula sa Kapitolyo ay nilakad namin ng halos kalahating oras ang daan patungo sa simbahan.
Dito ay palagi tayong nakararanas ng ibang pakiramdam ng kaluwalhatian habang tinatahak ang daan patungo sa simbahan sa pagitan ng mga tumutugtog, sumasayaw suot ang kanilang Kalibo festival ati-atihan native tribe costume at walang humpay na papuri sa Panginoon.
Pagsapit sa simbahan ay agad tayong lumuhod at nanalangin ng napakaraming pagpapasalamat, bahagi nito ang pagtitirik ng kandila at ilang sandali nang pananahimik upang makadaupang palad ang Panginoon.
Sumailalim din tayo sa nakaugaliang tradisyon na tinatawag na ‘Palapak’, ito ‘yung idiniriin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang imahe ng Sto Niño na isa sa dinarayo ng mga nagtutungo sa naturang lugar para kumpletuhin ang isinasagawang pamamanata.
Mula rito ay muli kaming naglakad patungo naman sa Kalibo-Philippine National Police (PNP), kung saan kami nagpalipas ng ilang sandali bago bumiyahe patungo sa bayan ng Makato.
Sa isang plaza sa tapat ng munisipyo ng Makato ay dinatnan naman namin ang napakaraming tao na hindi alintana ang init at kitang-kita sa kanilang mukha ang mga ngiti sa ating pagdating na labis nating ipinagpapasalamat.
Nagbigay tayo ng maikling pananalita para punan ang kanilang paghihintay at nagpaunlak din tayo sa napakaraming nais magpakuha ng larawan sa kani-kanilang cellphone na pumawi ng labis sa nararamdaman nating pagod.
Mga bandang alas-2: 00 nang hapon nang kami ay matapos, kasama ang ilang sandali nang pamamahinga at lumipad naman kami patungo sa Cebu City at kinagabihan ay nagtungo kami sa lugar ni Gov. Gwen Garcia para magbigay-pugay.
Kahapon, Enero 15, bahagi rin ng ating panata ang pagdalo sa Sinulog-Santo Niño Festival Festival na isa ring taunang cultural at religious festival na isinasagawa rin tuwing Enero ng taon sa Cebu City na siyang sentro ng Santo Niño Catholic celebration sa Pilipinas.
Ang Sinulog festival ay ikinukonsiderang pinakauna at pinakamalaking festival sa bansa na dinadaluhan ng milyun-milyon nating kababayan hindi lang mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung hindi ng buong mundo.
Tulad ng maraming deboto ay wala tayong ibang espesyal na partisipasyon sa napakalaking festival maliban sa nagtungo tayo sa Sto. Niño Church at nag-alay ng dalangin nang pasasalamat at tulad ng isang ordinaryong mananampalataya ay nakalihok tayo sa ginanap na pagdiriwang.
Kalakip sa aking ipinagpasalamat ay ang pagkakataong ibinigay sa atin para maisagawa natin ang taun-taon nating panata na sana ay muli nating maisakatuparan sa mga susunod pang taon.
Naalala pa natin bago matapos ang taon ay personal ding tayong nagtungo sa Tabayon, Banga, Aklan naman upang ihatid ang isang milyong piso kay Jovelyn Dela Cruz Nacion na siyang mapalad na napili sa lahat ng mga nanood sa ‘Amazing Pamasko Ni Pogi’ na napanood ng live sa ating Facebook.
Habang kinakausap ko nga si Nacion ay napansin ko ang ama niya na kasama niyang nagsisiksikan sa napakaliit na bahay kaya binigyan natin ng pamasadang tricycle para may panghanapbuhay na maluha-luha rin sa tuwa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments