- BULGAR
Iba talaga ang trato sa mga rich at poor sa ‘Pinas
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 14, 2022
KAPAG ‘RICH’, HINDI PUWEDENG BASTA DAKPIN, PERO KAPAG POOR, KULONG AGAD–Ayon sa Philippine National Police (PNP), hihintayin munang maglabas ng warrant of arrest ang korte bago nila dakpin ang taong nagmamaneho ng luxury car na nanadya umanong bumangga at nanagasa sa sekyu sa Mandaluyong City.
Ganun? Porke rich ang driver ay hindi agad puwedeng dakpin, pero ang mahihirap na magsasaka sa Tarlac na mapayapang nagtitipun-tipon at humihiling na mapasakanila na ang lupang kanilang sinasasaka ay basta inaresto agad kahit walang warrant of arrest.
Isa ‘yan sa mga patunay na iba ang trato ng Duterte gov’t. sa mga rich at poor, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
MGA ESTUDYANTE, BAKA TARAY-TARAYAN NI HARRY ROQUE–Inirerekomenda ng talunang senatoriable na si Harry Roque III ang kanyang sarili na mag-volunteer ng trabaho kahit wala raw suweldo sa tanggapan ni Vice-President-elect, incoming Education Sec. Sara Duterte.
Aba, teka, si Roque na sobrang mataray noong spokesman pa siya ni P-Duterte ay gustong magtrabaho bilang volunteer sa DepEd?
Esep-esep din incoming VP, DepEd Sec. Sara, ‘pag may time bago mo tanggaping volunteer si Roque kasi kapag ang katarayan niya ay ipinairal niya sa DepEd at tinaray-tarayan ang mga estudyante ay sa inyo ‘yan magbu-boomerang, period!
◘◘◘
WALA NA BANG GUSTONG KUMUHA NG SERBISYO NI ROQUE BILANG ABOGADO KAYA MAGBU-VOLUNTEER NA LANG SIYA SA DEPED?–Si Roque ay abogado, kaya’t maraming nagtataka kung bakit gugustuhin pa niyang mag-volunteer sa DepEd kaysa tumanggap ng mga kliyente sa kanyang law firm.
Siguro, wala nang gustong kumuha ng serbisyo ni Roque kaya magbu-volunteer na lang siya sa DepEd, ha-ha-ha!
◘◘◘
MGA DINISMIS NA IMMIGRATION OFFICIALS, BAKA PUMAPEL NA FIXER PARA MAGKAMAL NG SALAPI–Dinismis ng Ombudsman ang 45 opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa “Pastillas Gang”, na ang raket ay manghingi ng tig-P10-K sa mga undocumented Chinese na nais makapasok sa Pilipinas.
Ganu’n, dismiss lang? Dapat sa mga ‘yan ay ikulong kasi kung dismis lang ay puwede pa rin mangraket ang mga ‘yan, pumapel na ang mga fixers para magkamal ng salapi sa immigrations, period!