top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Iba’t ibang responsibilidad sa pagpasa ng SIM Card Registration Act, ready na bang gampanan?

  • BULGAR
  • Oct 14, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 14, 2022


Kamakailan ay nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang SIM Card Registration Act, na tutugon diumano sa paglaganap ng text scams at spams.


Binigyang-diin ng Pangulo na magiging epektibong paraan ang pagsasabatas ng mandatory SIM card registration upang matuldukan ang mga ilegal na aktibidad gamit ang SIM cards.


Gayundin, umaasa ang Pangulo na tatanggapin ito ng taumbayan sa gitna ng pagkalat ng iba’t ibang krimen gamit ang mga cellphone at pagkalat ng scam at spam messages.


Sa ilalim ng Republic Act 11934, inaatasan ang lahat ng public telecommunications entities (PTE) o ang mga direct sellers at maging ang mga ahente na obligahin ang mga gagamit ng SIM card na magpakita ng valid identification document na may kasamang litrato. Lahat ng impormasyon na makukuha sa SIM card registration ay bibigyan ng confidentiality, maliban na lamang kung pahihintulutan ng subscriber.


Gayundin, kinakailangang magrehistro sa kanilang PTE ang mga kasalukuyang subscriber ng SIM card sa loob ng 180-araw pagkatapos ng bisa ng batas. Ang hindi pagpaparehistro sa loob ng naturang panahon ay magreresulta sa awtomatikong pag-deactivate ng serbisyo ng SIM cards.


Ang PTE na mabibigo o tatangging magrehistro ay pagmumultahin nang P100,000 hanggang P1 milyon, habang ang paglabag sa confidentiality ay magreresulta sa multa mula P500,000 hanggang P4 milyon.


Samantala, mahaharap sa anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong at multang aabot sa P300,000 ang sinumang magbibigay ng maling impormasyon, pekeng ID, manloko ng rehistradong SIM o magbenta ng nakaw na SIM.


Batid nating hindi nagtatapos sa pagpasa ng naturang batas ang laban kontra text scam at malaking responsibilidad ito para sa lahat — mula sa mga subscriber, PTE at mga awtoridad.


Kaya ang tanong, handa na ba ang lahat sa kani-kanyang obligasyon?


Sa kabila ng pagpasa bilang batas, nananatili ang takot ng ilan nating kababayan hinggil sa seguridad ng mga personal na impormasyon, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, obligahin ang mga telco na maglatag ng plano kung paano mapoprotektahan ang mga datos ng kanilang subscriber.


Malaking tulong ang batas sa paglaban kontra text scam at dito pa lamang nagsisimula ang laban.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page