top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Iba’t ibang programa na magpapaulad sa mga probinsiya

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 7, 2020
2 min read

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 7, 2020



Nitong nakaraang linggo ay tinalakay sa pagdinig ng Senate committee on science and technology ang dalawang napapanahong panukalang-batas na maaaring makatulong sa pag-unlad ng ating bansa at labanan ang mga umuusbong na sakit tulad ng COVID-19.


Ito ay ang Senate Bills 1350 at 887 o ang Provincial Science and Technology Officers Act at Provincial Science and Technology Directors Act, na naglalayong magkaroon ng Provincial Science and Technology Director sa bawat lalawigan sa ating bansa.

Ang SB 1350 ay akda ng inyong lingkod.


Tinalakay din ng nasabing komite, na pinamumunuan natin, ang Senate Bill Bill 1543 o ang Virology Institute of the Philippines (VIP) Act.


☻☻☻


Layunin ng Senate Bills 1350 at 887 na magkaroon ng Provincial Science and Technology Director upang pamunuan ang Provincial Science and Technology Centers (PSTC) sa bawat lalawigan sa ating bansa.


Napakalaking tulong ng ating mga PSTC sa pagpapaabot ng mga programa ng Department of Science and Technology (DOST) sa ating mga probinsiya, tulad ng SETUP sa livelihood programs, RxBox para sa healthcare services, at maging ang mga DOST scholarship programs.


Sa kabila ng dami ng ginagawa ng ating PSTC staff at sa kakulangan ng necessary resources, nagagawa at nakapagde-deliver pa rin ang mga PSTC ng mandato nito.


Ngunit, nakalulungkot na pawang rank and file employees ang staff nito, na pinamumunuan sa kasalukuyan ng Senior Science Specialist na may Salary Grade 19. Samantala, ang ibang provincial agencies ay pinamumunuan ng Direktor na nasa Salary Grade 26.


Nais ng mga panukalang batas na palakasin ang ating mga PSTC upang lalo pa nilang magampanan ang kanilang mandatong maghatid ng siyensiya at teknolohiya sa ating mga kababayan sa mga lalawigan.


☻☻☻


Isa pang napapanahong panukala ay ang pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines (VIP).


Alam natin kung paano nabulaga ang buong mundo ng COVID-19, at ramdam ng buong mundo ang epekto nito sa ating mga buhay hanggang ngayon.


Walang research institute ngayon sa ating bansa ang nagsasaliksik tungkol sa mga virus, and it’s high time that we devote to studying the emerging threat that viruses bring, not only to human health, but also to plants and animals.


Apektado na ang ating food supply ngayon sa pananalasa ng African Swine Fever (ASF) at iba pang sakit na dala ng mga virus.


Maaari lamang maharap ang mga concern natin kung mayroon tayong kaalaman tungkol sa mga bantang ito, lalo na pagdating sa pagtuklas ng gamot at bakuna at mga maaaring limitasyon nito.


☻☻☻


Natutuwa tayo at naging produktibo ang diskusyon tungkol sa mga panukalang-batas, lalo na sa magiging implementasyon ng mga ito.


Umaasa tayo, sa pakikipagtulungan ng mga kasama sa Senado, na maipapasa ang mga batas na ito sa lalong madaling panahon upang agad na mapakinabangan ng ating mga kababayan ang pawis at pagod ng ating mga siyentipiko.

☻☻☻

Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.

Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page