top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Iba’t ibang pag-iingat vs. COVID ngayong Undas, dapat lang!

BULGAR
Oct 16, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 16, 2022


Ilang linggo bago ang Undas, naglabas na ng panuntunan ang ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, partikular sa mga pupunta sa sementeryo.


Gayunman, bilang karagdagang pag-iingat, plano pa rin ng ilang nais bumisita sa mga namayapang mahal sa buhay na magsuot ng face mask kahit boluntaryo na lamang ang paggamit nito sa outdoor spaces.


Sa San Juan City, palalawigin ang oras na bukas ang sementeryo sa lungsod mula alas-6:00 ng umaga hanggang hating gabi ng Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2. Bagama’t hindi na kailangang magpakita ng vaccination card ng mga bibisita, ipatutupad ang pagsusuot ng face mask kapag dumami na ang mga tao. Nakatakda ring mag-deploy ng mas maraming pulis sa mga sementeryo ang lokal na pamahalaan bilang alalay sa mga public safety officers at mga tauhan ng sementeryo.


Sa Lungsod ng Maynila, papayagan nang makapasok sa sementeryo ang mga batang edad 12 pababa, basta fully vaccinated ang mga ito laban sa COVID-19. Gayunman, kailangang ipresinta ang vaccination cards ang mga bata bago papasukin sa sermenteryo.


Unang ipinagbawal ang pagpasok ng mga menor-de-edad sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.


Samantala, nakatakdang mag-deploy nang 10,000 pulis ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Undas sa mga pribado at pampublikong sementeryo. Ang deployment ay sisimulan, isang araw bago ang Undas kung saan inaasahan ang libu-libong tao ang dadagsa sa mga sementeryo.


Bukod sa mga sementeryo, babantayan din ng NCRPO ang ilang lugar tulad ng mga simbahan, mall at public transportation terminals.


Ito ang ikatlong pagkakataon na idaraos ang Undas sa gitna ng pandemya at naniniwala tayong alam na ng ating mga kababayan ang mga dapat gawin para makaiwas sa hawahan.


Gayunman, umaasa tayong mababawasan ang mga pasaway dahil batid nating malaking bagay ang disiplina upang maiwasan ang sakit.


Hindi nagtatapos sa mga panuntunan ng LGUs ang pag-iingat dahil bilang mamamayan, tungkulin nating tumalima sa mga ito. Malaking hakbang ito upang matiyak na ligtas ang Undas ngayong taon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page