Iba’t ibang modus habang palapit ang Kapaskuhan at halalan, bantayan!
- BULGAR
- Oct 31, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | October 31, 2021
Habang papalapit ang Kapaskuhan at halalan, nagbigay-babala sa publiko si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar sa pagkalat ng pekeng pera.
Ito ay matapos maaresto ang dalawang lalaki sa Cebu City na nakunan ng mahigit P100,000.
Ayon sa opisyal, nakuha ang P88,000 halaga ng pekeng tig-P1,000 at P500 sa isang suspek, at P24,000 halaga naman ng pekeng tig-P1,000 at P500 ang isa pa.
Nag-ugat ang operasyon ng pulisya sa isang impormasyon at reklamo na dumarami ang mga pekeng tig-P1,000 at P500 sa Cebu at napatunayan sa inspeksiyon ng mga tauhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na walang kaukulang security features ang mga nakumpiskang pera.
Ayon kay Eleazar, posibleng kumakalat na rin ngayon ang pekeng peso bill kaya dapat maging maingat ang publiko, gayundin ang mga establisimyento ngayong papalapit Kapaskuhan.
Base sa nakalap na impormasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang counterfeit money ay nakalaan sa halalan sa susunod na taon.
Samantala, nanawagan ang PNP sa publiko na pag-aralan ang pagkilatis sa pera at maging maingat sa pangtanggap nito dahil maraming indibidwal o grupo ang mananamantala sa pagkakataon at makapanloko ng kapwa ngayong Pasko hanggang eleksiyon.
Tuwing palapit ang Kapaskuhan, inaasahan na ang pagsulpot ng iba’t ibang modus at isa na nga riyan ang pagkalat ng mga pekeng pera. Ang masaklap pa, posible itong pagmulan ng iba pang problema kaya sana ay maagapan.
Noon pa man, marami nang nabiktima ng ganitong modus, kaya plis lang, maging matalino tayo at iwasang maging biktima. Kapag nakatanggap ng pekeng pera, i-report sa mga awtoridad upang matunton ang pinagmulan at mapanagot ang dapat managot.
At kayong mga walang magawang matino at tuloy sa pananamantala, hintay-hintay lang dahil may kalalagyan din kayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments