Iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, joint forces vs. korapsyon sa PhilHealth
- BULGAR

- Aug 7, 2020
- 2 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 7, 2020
Nakailang palit na tayo ng liderato at marami pa ring isyu ang pumapalibot sa ating healthcare system, partikular na sa PhilHealth. Hindi rin tama na palitan na lang ulit natin ang pamumuno at mas lalong hindi tama na hahayaang tuluyang mamatay ang ahensiyang ito sa panahon ngayon ng COVID-19.
Pera ng taumbayan ang bumubuhay sa PhilHealth ngunit sa isyung kinahaharap ngayon, bilyun-bilyon daw ang nakamkam ng mga korap. Dapat lamang na mabigyan ang mga Pilipino ng maayos at malinis na serbisyong pangkalusugan at siguraduhing ni-piso ay hindi masasayang o mananakaw.
Ngunit, bago tayo magpatuloy, isang tanong ang palaging nasa aking isipan ngayon: Paano matutulungan ng PhilHealth ang mga Pilipino na kailangang magpagamot kung ang sarili nitong sakit sa loob ng ahensiya ay hindi nito magamot?
Kaya naman, inirekomenda natin kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng Task Force para ayusin, once and for all, ang mga isyu sa PhilHealth. Ang Task Force na ito ay maaaring pangunahan ng Department of Justice kasama na ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit at Office of the Executive Secretary. Tatawagan din natin ang Presidential Anti-Corruption Commission para tumulong sa Task Force.
Ang papel ng Task Force ay mag-imbestiga, mag-file ng kaso, mag-suspend, mag-lifestyle check, mag-audit at maglagay sa kulungan ng mga opisyal at empleyado na mapatunayang nagnanakaw ng pera ng taumbayan. Hindi lang sa mga nasa taas kundi pati rin ‘yung mga kawani ng gobyerno under the Civil Service na mapatutunayang parte ng maruming sistema ng korapsyon.
Pagtutuunan ng Task Force ang PhilHealth sa ngayon. Kalaunan, maaari ring gamitin ang binuong grupong ito para imbestigahan ang ibang ahensiyang may isyu ng korapsyon dahil alam nating hindi lamang PhilHealth ang may problema, may iba pang mga ahensiya riyan ang kailangang gamutin upang matanggal ang mga masasamang loob na sumisira sa integridad ng gobyerno.
Hindi titigil ang Pangulo sa kampanya nito laban sa korapsyon. Walang makakapigil at mas lalong walang pinipiling kakampi o kalaban ang Pangulo. Basta korapsyon, hihiritan at tutuluyan ka niya.
Kaya naman hindi ko rin kayo titigilan. Bilang isang mambabatas at Senate Chair ng Committee on Health, gagawin natin ang lahat para mabigyan ng hustisya ang mga Pilipino. Sisiguraduhin nating mabubulok kayo sa kulungan at may kalalagyan kayo.
Naniniwala tayong meron pa naman diyan na gusto talagang magsilbi with all honesty and integrity kaya hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Kailangan lang talaga ng mabisang gamot na tatalab upang tuluyang matanggal ang korapsyon sa ating sistema.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments