top of page
Search
  • BULGAR

I-exempt sa tax ang honoraria ng mga titser at poll workers

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | January 30, 2022



‘Wag na patawan ng buwis ang kikitain ng mga guro at iba pang poll workers ngayong eleksiyon. Ito ang matagal na nating panawagan na ma-exempt sila sa pagbabayad ng income tax para sa honoraria na kanilang natatanggap sa pagseserbisyo tuwing eleksiyon.


Ngayong malapit na ang Eleksiyon 2022 ay muli tayong nananawagan sa kinauukulan tungkol sa kahilingang ito.


Umaasa rin tayo na pagtutuunan ng pansin ang panukalang ito ng ating mga kasama sa Senado bago matapos ang sesiyon sa Pebrero. Naipasa na kasi sa ikatlong pagbasa ng House of Representatives ang kanilang bersiyon ng panukalang ito.


Ayon sa Commission on Elections (Comelec), makatatanggap ng honoraria na mula P3000 hanggang P7000 ang mga poll worker ngayong Eleksiyon 2022, bukod pa sa travel allowance.


☻☻☻


Hindi na bago ang ating panawagan, dahil noong nakaraang 17th Congress ay inihain natin ang Senate Bill number 1941.


Ipinanawagan din natin ito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 2018.


Ngayong 18th Congress ay muli nating inihain ang panukalang ito, sa pamamagitan ng Senate Bill number 117.


Kung noon ay nag-iisa tayo, ngayon naman ay kasama natin sina Senador Win Gatchalian at Leila de Lima na naghain din ng kanilang sariling bersiyon ng panukalang ito.


☻☻☻


Ilan pa sa ating ipinanawagan ngayon ay ang pagkakaroon ng poll workers ng proteksiyon laban sa COVID-19, lalo na ang libreng testing at karampatang medical care kung sila ay magkakasakit.


Tuwing eleksiyon ay may malaking papel na ginagampanan ang ating poll workers.


Bukod sa sinisiguro nila ang maayos na pagboto, tinitiyak din nila ang kredibilidad ng eleksiyon at nabibilang ang bawat boto.


Buhay at integridad ng election board at iba pang poll workers ang nakataya bawat eleksiyon kung kaya’t nararapat lamang na suklian ng estado ang serbisyong ito.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.

Be Safe. Be Well. Be Nice!



 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page