top of page
Search
  • BULGAR

Huwag umasang may Bgy. at SK elections sa Dec. 4, 2023, malamang i-postpone ng mga Cong.

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 18, 2022


PAGSAPIT NG DEC. 4, 2023, MALAMANG AY IPA-POSTPONE NA NAMAN NG MGA CONG. ANG BARANGAY AT SK ELECTIONS—Sa botong 12-2, inaprubahan nang Kongreso ang postponement ng barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Dec. 5, 2022.


Ayon sa napagkasunduan ng 12 kongresista, sa Dec. 4, 2023 na lang idaos ang halalang pambarangay upang makatipid ang pamahalaan ng P8 bilyon at ang pera ito na pang-eleksyon ay magamit ngayong taon ng Marcos administration sa pandemic response.


Duda natin, pagsapit ng Dec. 4, 2023, ipo-postpone na naman 'yan ng mga kongresista at senador kasi kung inyong natatandaan, dapat may idinaos na barangay at SK elections noong May 4, 2020, pero ipina-postpone at itinakda sa Dec. 5, 2022 ang halalang pambarangay at habang papalapit na petsang ito ay ipinagpapaliban na naman nila ang eleksyon at sa Dec. 4, 2023 na lang daw idaos ang barangay elections.


◘◘◘


HINDI MAKATITIPID ANG PAMAHALAAN SA POSTPONEMENT NG BGY. & SK ELECTIONS, SA HALIP, AYON SA COMELEC AY MADARAGDAGAN PA NG GASTOS NG HIGIT P5-B—Ang sinabi ng mga kongresista na makakatipid ng P8-B ang pamahalaan kapag ipinagpaliban ang halalang pambarangay ay sinopla ni Comelec Chairman George Garcia, kasi ayon sa kanya ay walang katotohanang makakatipid dito ang gobyerno dahil ang pagkansela ng barangay at SK election ay magdudulot pa ng dagdag-gastos sa gobyerno.


Ipinaliwanag ni Garcia, na kung may barangay at SK elections sa Dec. 5, 2022 ay sa year 2024 na ulit sila magdaraos ng voter's registration, pero kung matutuloy ang postponent ay maoobliga na naman ang Comelec magdaos ng voter's registration next year at gagastos na naman daw dito ang pamahalaan ng higit P5-B.


Kaya't ang tanong: Ano ba talaga ang plano ng mga cong. sa P8-B public funds na laan sa halalang pambarangay at masyadong mainit mga mata nila sa perang ito?


◘◘◘


PRIME WATER SA SAN ILDEFONSO, BULACAN, KAPOS ANG SUPPLY NG TUBIG, PERO BUO KUNG MANINGIL—Palagi umanong walang tumutulong tubig sa gripo ng mga residente sa San Ildefonso, Bulacan, pero pagsapit ng buwanang bayaran ay buo ang singil ng Prime Water sa kanilang mga konsyumer.


Panawagan sa Prime Water, baka naman puwedeng ayusin n'yo naman ang serbisyo sa San Ildefonso, Bulacan kasi sa totoo lang, bad ang ginagawa ninyong kapos ang sinu-supply ninyong tubig, tapos kapag singilan na, gusto n'yo, buo ang bayad sa inyo!


◘◘◘


NGAYON, SI SEN. TULFO NA ANG BUMATIKOS, MAY GAWING AKSYON NA KAYA ANG CUSTOMS LABAN SA 'UKAY-UKAY' SMUGGLING?—Binatikos ni Sen. Raffy Tulfo ang Bureau of Customs (BOC) sa pagiging "nganga" sa kampanya laban sa mga smugglers ng "ukay-ukay" at ayon sa senador, mistulang bulag ang mga Customs officials para hindi makita na kahit ipinagbabawal sa bansa ang pagpapasok ng mga used clothes ay nakakapasok pa rin ang mga ito sa Adwana at naibebenta sa merkado.


Ngayong si Sen. Tulfo na ang bumatikos sa Customs sa isyung ito, tingnan nga natin kung may gagawing aksyon si Comm. Yogi Felimon Ruiz laban sa mga smugglers ng "ukay-ukay" sa bansa.




0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page