Search
  • BULGAR

Huwag tayong magpatalo sa quarantine burnout

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 26, 2020


Sa loob ng tatlong buwan mula nang ibaba ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ) ay marami sa ating mga kababayan ang hindi na nakakalabas ng bahay dahil sa pag-iingat na mahawa sa COVID-19.


Magkakaiba man ang naging patakaran ng bawat barangay sa pagpapatupad ng ECQ, mayroong hindi talaga nakakalabas kung walang dalang quarantine pass o kaya ay isa lamang sa pamilya ang puwedeng lumabas na siyang bibigyan ng permiso.


Hindi rin pinapayagang gumala ang mga menor-de-edad at senior citizen kaya ang resulta ay kain-tulog lang umiikot ang kanilang buhay at masuwerte na kung may telebisyon dahil kahit paano ay nalalaman nila ang nangyayari sa labas.


Ang mga maykaya naman sa buhay ay walang problema sa pagkain at kaya nilang magpa-deliver ng mga masasarap na pagkain para maiba naman ang kanilang panlasa ngunit ganun din, inaabot din sila ng inip.


Lalo pa at sanay sa gala, pasyal o out of town adventure ang mga kababayan nating maykaya sa buhay, ngunit hindi nila ito maisagawa sa panahon ng ECQ, kaya ang resulta nakakaranas din sila ng pagkainip.


May mga kababayan tayong inabot ng lockdown na malayo sa kani-kanilang pamilya, merong nag-iisa sa bahay, merong mga trabahador na ilang buwan nang nagdurusa sa mga construction site at meron ding nasa nakadaong na barko.


Dahil sa hayagang pag-amin ng pamahalaan na wala pang solusyon ang COVID-19 pandemic maliban sa pagsunod natin sa health protocol ay marami ang dumaranas na ng depresyon.


Marami ang nawawalan na ng pag-asa, partikular ang mga wala nang makain at umaasa na lamang sa tulong ng gobyerno na alam naman nating hindi naman sapat para itawid ang kasalukuyan nating sitwasyon.


Ang mga maykaya sa buhay, kahit naka-aircon ang silid ay nakararanas ng quarantine burnout o pagkaburyong na sa sitwasyon dahil sa nagsasawa na sa paulit-ulit na ginagawa.


Pero mas higit na mahirap ang kalagayan ng ilan sa ating mga kababayan na nakatira sa masikip na bahay at napakarami pa ng miyembro ng pamilya at wala nang ibang kinakain kundi sardinas, daing o rasyon na bigas dahil bawal ngang lumabas.


Dahil mainit ang panahon hindi nila kayang magsiksikan sa isang bentilador kaya madalas ang mga lalaki ay nakahubad ng damit pang-itaas at ang mga babae ay may dalang pamaypay.


May mga seafarer naman na nakadaong na ang sinasakyang barko sa ating bansa ngunit dahil sa sinusunod na health protocol ay marami sa kanila ang inip na inip nang makababa para makapiling na ang kanilang pamilya.


Sa mga ganitong sitwasyon, hindi maiwasang umatake ang depresyon at pagkaburyong na bukod sa COVID-19 ay matindi rin nating kalaban at marami ang natatalo.


Tulad na lamang ng napabalitang dalawang seafarer na umano’y nagpatiwakal dahil hindi na makayanan ang inip at marami na rin sa mga nasa bahay ang dumaranas ng ganyan partikular ‘yung mga nag-iisa.


Huwag tayong pumayag na malugmok ng pandemyang ito, magpasalamat tayo kay Lord na kahit nakakainip ay ligtas tayo!


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.