top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Huwag payagang mawala, mapalitan at mabago ang alaala ng Martial Law

BULGAR
May 15, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 15, 2022


“Gawin ninyo ito sa pag-aalala sa Akin.” Ito ang panalangin ng pari sa bawat misa sa bahagi ng konsekrasyon ng tinapay at alak. Pagkatapos dasalan ng pari ang tinapay at alak, isa-isa itong itinataas at dinadasal, “Gawin ninyo ito sa pagaalala sa Akin.”


Ganito ang bawat misa. Isang pag-alalang hindi mawawala hangga’t merong nagmimisa. Kaya’t ito rin ang dakila at banal na tungkulin at pananagutan ng bawat pari, ang pag-alaga at pagpapatuloy ng isang ala-alang buhay at hindi dapat hayaang mamatay.


Sa mga nagdaang libu-libong taon, dumaan ang Simbahang Katolika sa iba’t ibang krisis, ng mga mahirap at mapanganib na panahon. Inusig, pinahirapan at pinatay ang maraming pari, relihiyoso at layko na matapang na iminumulat ang iba sa mga kalagayan ng lipunan at ang dapat gawing pagtatanggol para sa mga binibiktima, inaapi, pinagsasamantalahang mga tao lalo na ang mga mahihirap.


Ganu’n na lang kahalaga ang pag-alala para sa mga Simbahan. Ang bawat araw at sandali ay panahon ng pasasalamat para sa kabutihan ng Diyos. Tuwing nagpapasalamat tayo, binabalikan natin ang ating buhay para gunitain ang bawat ginawa ng Diyos para sa atin. Ito ang kahalagahan ng mga anibersaryo at mga pista, tulad ng Pasko ng Pagsilang at ang Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon.


Mararamdaman na rin ng lahat ang simula ng Ramadan at ang Eid ul Fitr, ang katapusan nito.


At para sa mga Hudyo, ang buhay ay bumabagal at tumutuon kay Yahweh tuwing Pesah (pista ng paglagpas ng anghel ng kamatayan); Rosh Hashana (Bagong Taon) at Yom Kippur ( Araw ng Pagbabayad sala).


Ganundin sa mga kapatid nating mga tagasunod ni Buddha. Mahalaga para sa kanila ang Wesak, o ang araw ng kaliwanagan o pagmumulat ni Buddha; at ang Parinirvana, ang kamatayan ni Buddha.


Noong nakaraang ika-17 ng Pebrero, nagtipon-tipon ang mga kaparian sa Manila Cathedral upang dumalo ng misa na pinamunuan ni Jose Cardinal Advincula. Pinagdiwang ng kaparian ng Arkidiosesis ng Maynila ang ika-150 anibersaryo ng pagka-martir nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora o ng GOMBURZA.


Naalala rin ng marami sa mga dumalo ang samahang binuo namin noong ika-17 ng Pebrero 1977 na GOMBURZA rin ang pangalan. Mula noon hanggang ngayon, tila nagising at laging nag-uusap at nagtutulungan ang kaparian na itinatalaga ang kanilang buhay para sa Diyos at bayan.


Nang itatag namin ang GOMBURZA, panahon pa iyon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos, Sr. Ang mga seminarista noon na naging pari at pari pa hanggang ngayon ay hinding-hindi makakalimot sa mga nangyari sa panahon ng Martial Law. Laging mananatiling buhay at nananalaytay sa dugo ng aming mga ugat ang alaala ng mga taon ng pang-aapi, panggigipit, pagtataksil at pananamantala sa taumbayan ni Marcos at ng kanyang mga kasama. Hindi lang basta alaala ang mga pangyayari noong panahong iyon kundi mga alaalang nagbibigay-buhay at bumubuhay sa kamalayan at pagmamahal ng lahat para kay Inang Bayan.


Nakalulungkot ang balita na ang ibibigay na puwesto kay Sara Duterte ay ang Department of Education (DepEd). Hindi na nagulat ang marami sa pagbibigay ng DepEd kay Duterte. Ngunit bakit nagpahabol si Senador Win Gatchalian ng paalala na hindi na kailangang baguhin kung ano ang nakasulat sa mga textbook tungkol sa kasaysayan dahil tama at husto ang mga nilalamang impormasyon sa mga ito?


Isang bagay lang ang mga textbook ngunit iba naman ang social media, ang Tiktok at Facebook kung saan ikinalat ng libu-libo o baka milyun-milyong mga troll, ang mga hinimas at kinulayang mga datos ng kasaysayan na nagpabango at nagpaganda sa mabaho at sa pangit.


Nakalulungkot isipin ang posibleng sistematikong pagbabago at pagbabaluktot sa kasaysayan tulad ng ginawa nina Stalin at Mao. Kung magtatagumpay silang baguhin ang kasaysayan at pairalin ang kasinungalingan sa halip na katotohanan, unti-unting mamamatay ang maraming bagay sa ating bayan. Mamamatay ang ating pagkilala sa sarili bilang Pilipino. Mamamatay ang kabayanihan dahil mababago na ang ibig sabihin nito sa liwanag ng pagpapaganda ng lahat ng may kinalaman sa nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan ng bagong administrasyon.


Napakalungkot dahil, maaaring mamatay nang tuluyan ang kaluluwang Pilipino at sa halip ay pumalit ang gawa-gawang imahe ng aninong Pilipino.


Huwag po nating payagang mawala, mapalitan at mabago ang alaala ng mga nangyari, masaya man o malungkot, marahas man o mapayapa, maganda man o pangit. Huwag na huwag nating kalilimutan ang mga nangyari noong Martial Law, panahon ni Diktador Marcos.


Huwag po nating kalimutan na ang alaala ay buhay… ang buhay ay ang kabuuan at kaganapan ng lahat ng alaala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page