Huwag ipagbili ang dangal kapalit ng kinabukasan ng bayan
- BULGAR

- Oct 27, 2023
- 2 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 27, 2023
Tatlong araw na lamang at ang pinakahihintay na nating Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na matagal naantala, kaya sabik na sabik na ang ating mga kababayan na isagawa ang kanilang karapatang bumoto at makapili ng mga manunungkulan sa kani-kanilang komunidad.
Sa Oktubre 30, mahigit sa 93 milyong rehistradong botante ang magtutungo sa mga presinto para bumoto sa barangay at SK polls, na isang makasaysayang pangyayari na siyang tutukoy sa kinabukasan ng mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Base sa mandato ng batas, ang pagpili ng mga manunungkulan sa barangay at SK sa pamamagitan ng eleksyon ay dapat na isinasagawa tuwing ikatlong taon ngunit dahil sa pagpapaliban at ilang ulit na pagkakaantala ay nagresulta sa mahabang panahon ng panunungkulan na umabot ng limang taon.
Ang pinakahuling barangay at SK elections ay naganap noong Mayo 2018 pa na dapat ay nasundan noong 2020 ngunit naging Disyembre 2022 makaraang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act. No. 11462.
Ngunit sa pagpapalit ng administrasyon ay muling nagkaroon ng pagbabago nang lagdaan naman ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. upang maging isang ganap na batas ang RA No. 11935 na naglalayong iurong naman ang barangay at SK elections mula Disyembre 2022 na maging huling Lunes ng Oktubre 2023.
Kaya sa wakas, ang napakatagal nang paghihintay ng ating mga kababayan na magkaroon na ng halalan ay magaganap na lalo’t ngayon pa lamang ay painit na nang painit ang kampanya dahil sa marami sa ating mga kababayan ang nais nang magkaroon ng pagbabago.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), nasa 67,839,776 ang registered voters na nasa edad 18 pataas ang nakatakdang bumoto sa barangay elections, nasa 23,254,313 naman ang registered voters ang nakatakdang bumoto sa SK elections na may edad 15 hanggang 30.
Ang buong bansa ay may 42,027 barangay sa 148 siyudad at 1,486 munisipalidad na kailangan ng mga bagong manunungkulan, at kailangang maghalal ng isang Punong Barangay / Barangay Captain.
Pitong miyembro naman ng Sangguniang Barangay (SB) o Kagawad ang iboboto samantalang isang SK Chairperson naman ang iboboto at pitong miyembro ng SK ang iboboto naman ng mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments