Huwag gawing normal ang pagtitiis sa sirang paaralan
- BULGAR

- 16 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | June 9, 2026

Sa pagbubukas ng klase, muling nasusukat hindi lamang ang kahandaan ng mga estudyante at guro, kundi pati ang kakayahan ng pamahalaan na tiyaking ligtas, maayos, at angkop sa pagkatuto ang mga paaralan.
Taun-taon, inuulit ang parehong problema: kulang na silid-aralan, sira-sirang upuan, sirang banyo, mahihinang bentilasyon, kakulangan sa tubig, at mga gusaling nangangailangan ng agarang pagkukumpuni.
May mga paaralang nagsisimula ang klase sa makeshift classrooms, may shifting schedules, o may pasilidad na hindi dapat pinagtitiisan ng mga bata.
Hindi sapat na sabihing “nakasanayan na.” Ang paaralan ay hindi lamang lugar ng pagtuturo. Ito rin ay dapat maging ligtas na espasyo para sa mga mag-aaral. Kapag sira
ang pasilidad, apektado ang pagkatuto, kalusugan at seguridad ng mga bata at guro.
Habang nagsisimula pa lamang ang school year, dapat nang bilisan ng Department of Education, local government units, at iba pang kaukulang ahensya ang inspeksyon at agarang aksyon sa mga natitirang problema sa school facilities. Hindi dapat hintayin na may estudyanteng masaktan, may klaseng maantala, o may gurong muling mapilitang magturo sa hindi maayos na silid bago kumilos.
Dapat ding pakinggan ang mismong mga school heads, guro, magulang, at estudyante dahil sila ang unang nakararanas ng mga kakulangan sa loob ng paaralan.
Kung tunay na prayoridad ang edukasyon, hindi dapat maging normal ang pagtitiis sa mga sirang pasilidad.



Comments