Huwag dedmahin ang mala-trangkasong sakit

ni Ryan Sison @Boses | November 29, 2023
Nakababahala ang pagdami ng tinatamaan ng influenza-like illnesses o mas kilala sa tawag na flu.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala sila ng 200,000 kaso ng influenza-like illnesses (ILI), kabilang na rito ang COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Tayag, na isang ring DOH information officer, mas marami ang bilang sa karaniwang 90,000 na naire-record na “respiratory illnesses” tuwing panahon ng taglamig.
Sa isang panayam sa opisyal, sinabi nitong dati-rati nasa 90,000 lang sa ganitong panahon, pero aniya, hindi naman lahat ay influenza, may ilan sa mga tinesting nila ay lumabas na COVID-19 habang ang iba ay influenza.
Binabantayan din aniya ng DOH ang pagtaas ng influenza-like illness sa China.
Hinimok naman ng kagawaran ang mga magulang na agad na ipa-check-up ang kanilang mga anak, lalo na ang mga sanggol na may edad 3 months pababa, na posibleng kinakikitaan ng sintomas ng naturang respiratory illness.
Paliwanag ni Tayag, nakababahala ang nangyayari sa China, dahil kahit hindi magkalapit na lugar ang dalawang bansa ay may mga ganoong kaso sa mga bata at marami ang naoospital.
Sa ngayon aniya, pinagdududahan nila ang isang uri ng bacteria, microplasma pneumoniae, subalit hindi ito nakukumpirma, pero patuloy ang kanilang testing.
Dagdag pa niya, naniniwala ang maraming eksperto na hindi na bagong “pathogen” ang nagdudulot ng naturang respiratory illness sa China. Subalit, kailangang agad na maisailalim sa test ang pagkakasakit ng mga bata lalo na ang mga tinatamaan ng ubo at sipon.
Nakakaalarma ang biglaang pagdami ng mga nagkakasakit na mga bata ng tinatawag na flu.
Marahil ngayon palang ay dapat na paghandaan na natin ito dahil alam naman natin na napakahirap ng ating pinagdaanan sa pandemya ng COVID-19.
Siguro tama lamang na ibalik natin ang pagsusuot ng face mask, at kung hindi naman kinakailangan lalo na ang ating mga senior ay huwag na lamang lumabas ng bahay.
Sakali namang may mga ubo at sipon ang isa sa mga miyembro ng pamilya ay magpatingin sa doktor para maagapan agad ang sakit at hindi na lumala, at wala nang mahawa pa.
Lagi nating alalahanin ang kasabihan na, “an ounce of prevention is better than cure”.
Paalala sa ating lahat na mag-ingat at alagaan ang ating kalusugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments