top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Hustisya sigaw ng pamilya sa MV Princess of the Stars tragedy

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 2, 2021
2 min read

ni Jeff Tumbado | December 2, 2021



“Hustisya!”, ito ang sigaw ng mga kaanak ng mga nasawi sa paglubog ng ferry ship MV Princess of the Stars ng Sulpicio Lines nang makipagpulong kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta sa tanggapan nito kanina.


Pangungunahan mismo ni Acosta ang paghahain ng motion for reconsideration sa Regional Trial Court (RTC) matapos na hindi makamit ng mga kaanak ang inaasahang hustisya sa mga namatay bunsod ng malagim na trahedya.


May 13-taon na ang nakalilipas nang maganap ang paglubog ng nabanggit na passenger vessel sa karagatang sakop ng San Fernando, Romblon noong June 21, 2008 habang nasa kalagitnaan ng paghagupit ng bagyong “Frank”. Nasa kabuuang 814 pasahero ang nasawi.


Sa ginanap na pulong-balitaan, sinabi ni Acosta na nitong Nobyembre 23, 2021 ay nakatanggap ang kaanak ng mga biktima ng order mula sa Manila Regional Trial Court Branch 52 na kung saan ay pinawalang-sala ang opisyal ng Sulpicio Lines na si Edgar S. Co at idinismiss na ang kaso laban sa iba pang mga idinawit sa trahedya.


Kasama pa rin na pinapanagot ng prosekusyon sina Go at kapitan ng ferry na si Capt. Florencio Marimon Sr, bunsod ng paniwalang may matibay na ebidensiyang magpapatunay na may kapabayaang nagawa ang mga akusado.


Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Physical Injuries and Damage to Properties ang mga idinadawit sa kaso. Kasunod nito, nagpahayag din ng pagkadismaya si Acosta sa naunang pagkaka-dismiss ng kanilang kaso, gayong nag-uumapaw aniya ang mga ebidensiyang magpapatunay na si Go ang nagmando sa paglalayag ng ferry ship sa gitna ng bagyo at inamin nito mismo sa publiko noong nagkaroon ng clarificatory hearing ang korte.


Sa kabila nito, hindi pa rin nauubusan ng pag-asa ang mga kamag-anak na makakamit pa rin ang inaasam na hustisya. Siniguro din ni Acosta na hindi sila titigil na ilaban maging ang civil case hanggang hindi nakakamit ang katarungan ng mga biktima bagamat nakamatayan na ng ilang nagrereklamo ang napakatagal na kaso.


Nabatid na may 71 kaso na ang naihain sa Manila RTC Branch 52 habang 63 kaso naman ang nasa Cebu RTC Branch 16 kung saan may naipanalo na rin ang mga biktima at pinagbabayad ng korte ng danyos ang mga may-ari ng Sulpicio Lines Inc. na nagkakahalaga ng aabot sa mahigit P140 milyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page