top of page
Search
  • BULGAR

Hustisya sigaw ng mga biktima ng Marawi bombing

@Editorial | December 5, 2023


Patuloy ang imbestigasyon sa naganap na pambobomba sa Dimaporo Gymnasium ng Mindanao State University sa Marawi City.


Tulad ng inaasahan, nagkalat ang mga maling balita na lalong nakapagdulot ng takot sa mga residente sa lugar at maging sa buong bansa.


Ang laging panawagan sa publiko ‘pag may ganitong sitwasyon, huwag basta maniwala sa mga nababasa o napapanood online at lalong huwag nang i-share kung hindi verified ang impormasyon para ‘di na kumalat ang fake news. Kailangang mas bantayan ng mga otoridad ang mga magsasamantala sa pagkakataon na basta lang may mai-post, mag-viral at kumita.


Isa pa sa pakiusap ay ang maging kalmado at mahinahon habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon. Huwag pangunahan ang mga kinauukulan, hayaan natin silang gawin ang kanilang trabaho. ‘Yung mga nakikisawsaw na gusto lang umepal, manahimik na lang.


Sa ngayon, mas kailangang magtulungan, magkaisa at bantayan unang-una ang kaligtasan ng ating pamilya.


Inaasahan din ang mas masigasig na pagkilos ng mga nasa gobyerno para mahadlangan ang anumang planong pananabotahe sa tuluyang pagkamit ng kapayapaan sa Mindanao.


Bukod sa pakikiramay sa mga biktima ng pagsabog, sana ay maihatid agad ng pamahalaan ang tulong sa mga nasugatan at maging sa pamilya ng mga nasawi.


Ipagdasal natin na hindi na masundan ang karahasan, mas mangibabaw nawa ang kaayusan at makamit ang hustisya ng mga biktima.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page