- BULGAR
Hustisya sa ‘Pinas, pang-mayaman o para sa lahat?
ni Ryan Sison - @Boses | June 19, 2022
Hanggang ngayon, laman ng social media at mga balita ang insidente ng hit-and-run sa security guard na nagmamando ng trapik sa Mandaluyong City noong Hunyo 5.
Partikular sa socmed kung saan maraming dismayado sa aksyon ng kapulisan dahil sa umano’y lantarang pagpabor sa SUV driver.
Hindi rin tuloy naiwasang mag-isip ng netizens kung may koneksyon ang suspek sa mga kinauukulan, kaya’t nagkaroon ng diumano’y special treatment.
Matatandaang Hunyo 15 o halos dalawang linggo matapos ang insidente nang sumuko sa pulisya ang driver ng SUV at humingi ng tawad sa biktima at pamilya nito.
Gayuman, hindi inaresto ang driver dahil ayon sa pulisya, 10 araw na ang lumipas nang mangyari ang insidente, kaya’t hindi na ito maaaring arestuhin.
Sa ilalim umano ng batas, ang warrantless arrest ay maaari lamang gawin bago maisagawa ang kirmen o nahuli sa akto ang suspek o katatapos lamang gawin ang krimen.
Nahaharap ang driver sa kasong frustrated murder at paglabag sa Article 275 (2) o abandonment of persons in danger and abandonment of one’s own victim at ngayon ay nasa preliminary investigation na ang insidente. Ngunit noong Biyernes, no-show sa unang hearing ang driver. Bagay na ikinadismaya ng panig ng biktima.
Sa totoo lang, nakakadismaya dahil may ebidensiya at maraming nakasaksi sa insidente, pero napakabagal ng hustisya.
Marahil, marami nang naniniwala na may “kapit” ang driver dahil pabor dito ang naging proseso, ngunit ‘pag ordinaryong mamamayan ang nagkasala, napaparusahan agad. Para bang, pili ang nabibigyan ng hustisya at ‘pag mahirap ka, kawawa ka.
Kung tutuusin, hindi kayang palitan ng paghingi ng tawad ang pinsalang idinulot ng insidente sa biktima.
Kaya hamon natin sa mga kinauukulan, patunayan n’yong may ngipin ang batas at kaya nitong panagutin ang dapat managot.
Gamitin ninyong basehan ang mga ebidensiya at panagutin ayon sa batas. Panahon na para maging patas tayo at ibigay ang hustisya sa tunay na biktima.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com