Hustisya sa mga biktima ng karahasan
@Editorial | November 6, 2023
Viral na sa social media ang video clip ng pagpatay sa isang radio news anchor habang nagbo-broadcast sa Misamis Occidental.
Kaugnay nito, nanawagan na ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Philippine National Police (PNP) para sa agarang pag-activate ng special investigation task group (SITG).
Sa inisyal na ulat mula sa Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) ng PNP, kinilala ang biktima na si Juan T. Jumalon, o mas kilala bilang, ‘Johnny Walker’, 57, radio anchor at station manager ng Gold FM 94.7 na nakabase sa Calamba, Misamis Occidental.
Sa nasabing viral na video clip ng insidente, makikita si Jumalon na dalawang beses na binaril ng suspek habang nagsasalita ito live online at hinablot din ang kanyang gintong kwintas.
Matatandaang ang paglikha ng SITG sa mga insidenteng tulad nito ay kabilang sa mga napagkasunduang protocol ng mga ahensya sa loob ng PTFoMS.
Inalerto rin ang National Bureau of Investigation (NBI), na bahagi rin ng PTFoMS, na simulan na ang pangangalap ng ebidensya bilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon para mapabilis ang pagresolba nito.
Nagkalat na naman ang mga kriminal kaya dapat na magdoble-ingat ang lahat at kasabay nito ang apela sa mga awtoridad na maging mas masigasig sa pagbabantay at paghabol sa mga kriminal.
Bukod sa patayan, halos sunud-sunod din ang nakawan na sinasabing kasabay na ng Kapaskuhan.
Ibig sabihin, talagang dapat na triple pa ang paglaban sa mga halang ang kaluluwa.
Maibigay sana sa lalong madaling panahon ang hustisya para sa lahat ng biktima ng pang-aabuso at karahasan.



Comments