ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 11, 2024
‘Pag sinabing Pulitzer Prizes, matinding award ‘yan – isa sa mga pinakabigatin kung hindi man pinakabigatin sa lahat sa larangan ng journalism, books, drama o music.
Iba ang lebel, ika nga ‘pag ang isang tao ay naparangalan nito, at dapat natin ipagmalaki kung ang mga ito ay Pilipino. Nasabi natin ito dahil nitong taon lang, tatlong Pinay ang kabilang sa finalists ng Pulitzer for journalism: si Hannah Reyes Morales na isang contributor ng New York Times sa feature photography ng pahayagan; sina Ren Galeno at Nicole Dungca ng Washington Post para sa kanilang illustrated reporting and commentary.
Sa pamamagitan ng kolum nating ito, nais nating ipaabot sa magigiting na Pilipinang ito ang taos-puso nating pagbati hindi lamang sa kanilang karangalang ibinigay sa kani-kanilang pahayagan kundi maging sa karangalang hatid nila sa buong Pilipinas.
Si Bb. Morales ay nagtapos ng kanyang bachelor’s degree in Speech Communication sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) bilang Cum Laude. Ang pagkilala ng Pulitzer kay Morales ay para sa kanyang mga larawang nagdokumento sa tinatawag na “youthquake” sa Africa, kung saan, sinasabing sa taong 2050, ang kontinenteng ito ang kakatawan sa ¼ porsyento ng kabuuang populasyon sa buong mundo. At sa one-quarter part na ito, one-third nito ay pawang African youths.
Si Galeno ay produkto rin ng UP na may degree sa Fine Arts at nagtapos bilang Magna Cum Laude. Kasama nina Dungca na isang Fil-Am investigative reporter at presidente ng Asian American Journalists Association at Claire Healy, pinarangalan sila ng Pulitzer bilang finalists sa kanilang pulido at sensitibong paggamit ng comic form, at dito ay ipinakita nila ang naging kaawa-awang kalagayan ng isang grupo ng mga Pilipino sa 1904 World’s Fair sa St. Louis kung saan, ang ilan sa mga Pilipinong ito ay namatay.
Bagaman nagmula sa mga prominenteng news organizations ang mga nabanggit na Pulitzer finalists, ikinokonsidera pa rin silang kabilang sa creative sector. Sa deklarasyon ng United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD), kabilang sa naturang sektor ang advertising, architecture, arts and crafts, design, fashion, film, video, photography, music, performing arts, publishing, research & development, software, computer games, electronic publishing, and TV/radio.
Nakikiayon tayo sa sinabi ng UNCTAD na walang katapusan ang konsepto ng creative industry dahil tuluy-tuloy ang paglawak nito. Ito ang dahilan kung bakit ang naturang sektor at ang mga taong nagpapagalaw nito ay masasabi nating ‘unique’. Sila ang mga taong nagpapatingkad sa creativity and dynamism at malaking tulong sa pagpapalusog sa ekonomiya ng isang bansa.
Sa kasalukuyan, patuloy nating isinusulong ang growth and development ng creative sector at katunayan, naghain tayo ng isang panukala na paulit-ulit nating nire-refile dahil umaasa tayong maipapasa ito. Ngayong 19th Congress, muli natin itong inihain sa pamamagitan ng Senate Bill 325 na naglalayong magkaloob ng cash incentives sa mga miyembro ng creative sector na magwawagi sa international competitions, festivals at iba pang mga aktibidad.
Kabilang sa mga dapat pagkalooban ng cash incentives, ayon sa ating panukala, ang mga filmmakers, film production entities, literary writers, artists and performers sa creative sector na tumanggap ng parangal sa mga prestihiyosong kompetisyon sa ibayong dagat.
Nu’ng ihain natin ang panukalang batas na ito, ilang Filipino artists na ang nakatanggap ng international awards tulad nina John Arcilla na nagwagi ng Coppi Volpi matapos parangalang best actor sa 78th Venice Film Festival; director Diane Paragas para sa kanyang pelikulang Yellow Rose na nagwagi bilang 2019 Reel Asian Best Feature Film sa Toronto International Film Festival; ang mga mang-aawit na sina Marlon Macabaya at Denise Melanie Du Lagrosa na nagwagi bilang first at second place (respectively) sa Stars of Albion Grand Prix 2019 sa London; at ang 7-anyos na pintor na si Worth Lodriga (14-anyos na sa kasalukuyan) na nagwaging first place sa 2017 Student Mars Art Center sa Estados Unidos.
Ang mga natatanggap na international awards ng mga kababayan natin sa creative sector ay hindi lang nila personal na karangalan kundi karangalan din ng buong Pilipinas. Kaya patuloy nating isusulong na maisabatas ang ating panukala upang maipakita naman natin kahit sa ganitong paraan ang pagpapahalaga sa kanilang mga tagumpay.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comentarios