Hudyo, Kristiyano at Muslim, buksan ang puso sa kapatiran
- BULGAR
- Oct 22, 2023
- 4 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 22, 2023
Akala ng mundo na napakasama at napakapangit ang nagaganap na giyera na sinimulan ng Russia sa Ukraine.
Matagal-tagal na ring nakikita ang kabayanihan ng pamumuno ng presidente ng Ukraine na si Volodymyr Zelenskyy. Mahigit nang isang taong ipinagtatanggol ni Zelenskyy ang kanyang bansa. Mula noong Pebrero 24, 2022, madalas na mapapanood at mapapakinggan si Zelenskyy hindi lang ng kanyang mga kababayan kundi ng buong mundo. Madalas ding maihambing si Zelenskyy kay David, at ang Russia na ang presidente nitong si Vladimir Putin kay Goliath.
Anumang laki ni Goliath na kagaya ng Russia ay hindi matitinag at hindi patatalo ang maliit na David. Ganu’n kaya ang mangyayari sa dulo ng giyera ng Ukraine vs. Russia?
Bigla namang pumasok ang girian ng mga dambuhalang bansang China at Estados Unidos sa usapin ng West Philippine Sea, na sabi ng China batay sa mga matatandang mapa at dokumentong hawak nila ay pag-aari raw nila ito. At habang lumalalim ang sagupaan ng army ng Ukraine at Russia, tumitindi naman ang pangamba ng marami sa mga nangyayari sa Timog Silangang Asya (South East Asia).
Halos linggu-linggo merong mga balita tungkol sa ‘di magandang salubungan ng Coast Guard ng China at ng Pilipinas. Panay banta ang ipinararating ng China hinggil sa panghihimasok ng mga barkong Pinoy sa bahagi ng dagat na pag-aari raw nila, ayon nga sa mga lumang mapa at dokumentong hawak nila.
Natapos na sana ang kontrobersiyang ito kung kinonsidera lang ng nakaraang administrasyong Duterte ang pahayag ng UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Seas, na sa Pilipinas ang kasalukuyang teritoryo na ginagalawan ng kanyang mga barkong pribado at komersyal sampu ng mga bangka at barkong pangisda.
Sa kasawiang palad, tila bumigay ang nakaraang administrasyon sa China sa sinasabi nitong sa kanila na pumapaloob sa 9-Dash Line. “Wala akong magagawa kung gusto nilang pumasok sa mga karagatang sabi nila ay kanila. Ano ang magagawa nating mga maliliit at mahihina. Hindi natin kaya ang kapangyarihan ng China.” Ganito ang madalas sabihin ng pangulo na nagbanta noong bagong presidente pa lang siya, na magdyi-jetski siya sa mga isla na sinasakop ng China para magtanim ng bandila ng Pilipinas.
Ngayong iba na ang administrasyon, iba na ang pananalita ng nakaupong presidente.
Iginigiit naman nito ang karapatan at soberanya ng ating bansa laban sa pananakop ng China. Ano na ba ang nangyayari? Mabuti naman at ganito ang pananalita ng kasalukuyang pangulo. Pero, nakapagtataka na iba ang kanyang posisyon hinggil sa WPS.
“Atin ito ayon sa United Nations Convention on the Law of the Seas.”
Bakit iba ang pahayag ng nakaraang administrasyon at tila kabaligtaran naman ang sinasabi ng kasalukuyang presidente at ng kanyang administrasyon? Batay ba sa pulitika o batay sa katotohanan ang pananalita ng dalawang presidente?
Sa mga nagdaang araw, habang dumarami ang patay sa dalawang panig ng Hamas at Israeli, maririnig natin ang dalawang pananaw -- ang panig ng Israel at ng Palestine.
Mabilis ang palitan ng galit ng dalawang grupo, ngunit sa totoo lang napakalalim ng problema ng giyera at kapayapaan sa pagitan ng Israel at Palestine, at ng mga bansang kumakampi sa magkaibang panig.
Ngunit, nabasa ko ang nakakatuwang isinulat tungkol sa giyera ng mga sundalong Hamas at ng mga Israeli ng isang dating kaeskwela ko sa seminary, “Haping-hapi raw ngayon sina Putin at Xi Jin Ping dahil nabaling ang pansin ng U.S. sa Middle East at naisantabi ang Ukraine at Taiwan.
Parte ng gulo ngayon sa Holy Land doon po din ako sa payo ni Lolo Kiko (Pope Francis) na “Fraternity” ang pairalin (kahit pa man medyo romanticize na idea) dahil nga iisa ang pinanggalingan, si amang Abraham.”
Panganay ‘yung mga Hudyo, ikalawa lang tayong mga Kristiyano, at huli ang mga Muslim na meron daw pinakahuling propeta na nagpauso ng dahas sa pagpapalaganap ng bersyon ng kanilang sampalataya. Siyempre ang mga Hudyo ang paniniwala nila, dahil panganay, sila ang paborito. At tayo naman, paniwala nating naririyan na ang Panginoong Hesus bago pa si Abraham. Kaya kung may dalawang grupo man na nagsisigawan sa iba-ibang lugar, maka-Israel at maka-Palestine, tayo marahil ang sigaw natin ay “Kapatiran!”
Idinaraan sa bala, bomba, tangke, eroplano at barkong pandigma ang pakikipaglaban, ngunit merong mas malalim at mas masalimuot na digma na mahirap makita, mahirap maabot. Ito ang digma o giyera ng kalooban, ng laman ng puso na hindi ganu’n kadaling maabot habang napakadali ring saktan at sirain.
Mula rin sa isa pang kaeskuwela, “Magandang pakinggan si Matrisyahu, Matthew Paul Miller, isang Jewish Reggae singer. Sa Haifa, tinuruan niya ng 3,000 Muslim at Hudyo na kantahin ang ‘One Day’. Natutunan nilang kantahin at pag-isang himigin sa tatlong magkaibang wika ang One Day. Ang resulta ay isang konsyertong pinagdiwang ang kakaibang pagkakaisa at kagandahan sa higit pa sa lahi, paniniwala at pagkakaibang pulitika”.
Posible pala ang pagkakaisa at pagkilala sa kagandahan kung bubuksan natin ang ating puso sa pagtanggap sa iba o sa kapwa. Kakaibang giyera ito at kung tutuusin mas madaling gawin at pagtagumpayan. Gaano kahirap bang buksan ang puso para tanggapin tayo at tunay na maging magkakapatid?








Comments