Huby umulit sa TOL Stage 12, ahunan sa Pangasinan sinisiw
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Elyssa Nichole @Sports | May 12, 2026

Photo: Hawak ni Ronnilan Quita ang Individual Mountain Classification (KOM) (7RP) sa pagtatapos ng Stage 11 MPTC Tour of Luzon 2026 kahapon. (mptcpix)
Mangatarem, Pangasinan - Muling pinatunayan ni Frenchman Antoine Huby ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines ang husay nito sa akyatan matapos dominahin ang Stage 12 ng Tour of Luzon 2026 kahapon na nagsimula sa Agoo, La Union at nagtapos sa Daang Kalikasan Mangatarem View Deck dito.
Nakapagtala si 25-year-old, Huby ng tiyempong tatlong oras, 17 minuto at 37 segundo sa 146.40 kms na may 7.4-kilometerong mahirap na akyatan habang pangalawang tumawid sa meta ang may suot ng yellow jersey na si Russian rider Nikita Shulchenko.
Bakas sa mukha at galaw ni Huby ang sobrang pagod pero kumpiyansa siyang mahusay ito sa akyatan kahit na matarik ang daan. “I'm a good climber. It was really hard, my teammate did a great job," saad ni Huby na mula pangatlo ay umakyat na ito sa second spot sa Individual General Classification.
Nakainan ni Huby ng isang minuto at 20 segundo si Shulchenko ng LCW UAE Cycling team sa IGC kaya mas magiging mainit ang labanan sa huling 2 laps.
Ilalarga ngayon ang penultimate stage 13 kung saan ay papadyak ang mga siklista sa 20-kilometer individual time trial na magsisimula at magtatapos sa Pangasinan Baywalk. Dumating na tersero si Erickson Delos Santos ng Dreyna Orion Cement, pang-apat si Nash Joshua Lim ng MPT Drivehub Cycling team habang pumang-lima si Junrey Navarra ng Standard Insurance Philippines.
May kabuuang 36:16:21 si Shulchenko para sa IGC sapat para manatili sa kanya ang pagsuot ng Yellow Jersey, 2 minuto at 30 segundong lamang sa segundang si Huby.
Lumagpak sa pangatlo sa IGC si Syrian rider Ibrahiem Yousef Alrefai ng LCW UAE Cycling team, naghahabol ito ng apat na minuto at 29 segundo kay Shulchenko.





Comments