Hotshots, hindi nagpatinag sa harurot ng Warriors
ni Gerard Arce - @Sports | February 17, 2022

Naitakas ng Magnolia Pambansang Manok Hotshots ang isang come-from-behind victory laban sa NLEX Road Warriors sa bisa ng 112-109 kahapon upang mapanatiling undefeated at lider ng 2021 PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Ipinamalas ng Magnolia Hotshots (5-0) ang mahigpit na depensa at katatagang hindi sumuko upang paunti-unting burahin ang 11-point lead ng NLEX sa pagsisimula ng fourth quarter ng ibuslo nito ang 23-8 blast upang makuha ang 100-96 na kalamangan sa nalalabing 5:08 sa laro. Nauwi naman sa palitan ng puntos at kalamangan ang bawat panig sa mga sumunod na tagpo.
Ngunit mula sa 110-109 na kalamangan ng Magnolia sa nalalabing 32 segundos, tatlong free-throws ang minintis ni NLEX guard Matt Nieto, habang sinundan ng pagbuslo ng lay-up ni Magnolia import Mike Harris para sa selyadong three-point lead. Tinangka pumukol ng magkasunod na three-point shot nina KJ McDaniels at Don Trollano, subalit parehong sumablay ang mga ito para sa matikman ang ikatlong sunod na pagkatalo matapos ang 4-0 start.
“We just want to give credit to our second kase sila yung nagbigay ng paraan para makabalik kami sa laro,” wika ni Paul Lee na itinanghal na best player of the game sa paglista ng 21pts, 4 assists at 2 rebounds mula sa 8-of-16 shooting. “We always take every game as one game at a time, that’s our mentality, kung sino ang makakatapat kailangan paghandaan,” dagdag ng 33-anyos mula Tondo, Manila na nakakuha ng malaking tulong kina Harris sa 31pts at 10 rebs, Ian Sanggalang sa 14pts, at Andy Barroca sa 11pts habang wala ang ibang manlalarong sina Calvin Abueva (calf muscle strain), Rome Dela Rosa (hamstring injury) at rookie James Laput (ankle surgery).
Nanguna pa rin para sa Road Warriors si McDaniels sa 35pts at 13rebs, habang pumukol ng 22pts si Kevin Alas, 18pts sa 7-of-11 shooting si Trollano, at 12pts Jericho Cruz, na wala ang rookie-scorer na si Calvin Oftana na out na sa buong season at Anthony Semerad dahil sa mga injuries.





Comments