Hotshots, finalist na; SMB-TNT may Game 7
ni Gerard Arce - @Sports | October 16, 2021

Muling babalik ang Magnolia Pambansang Manok Hotshots sa finals ng PBA matapos pundihin ang Meralco Bolts sa bisa ng 93-85 panalo, habang nagmistulang isang bola ang labanan ng San Miguel Beer at TNT Tropang Giga at naipuwersa ng Beermen ang winner-take-all Game 7 sa bisa ng tambakang 103-90 sa best-of-seven semifinal series ng 2021 Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.
Ito ang ika-31st finals appearance ng Hotshots kasunod ng 3 beses na kampeonato sa All-Filipino at Philippine Cup. Nagbida para sa Hotshots si Ian Sangalang sa 19 pts, habang nag-ambag ng tig-16pts sina Mark Barroca at Rome Dela Rosa, gayundin ang tig-11 nina Calvin Abueva at Jio Jalalon.
Nasayang ang lakas para sa Bolts ni Raymond Almazan na may 16 pts. katulong si Chris Newsome sa 14pts. Tumindi and depensa at uminit ang opensa ng Hotshots sa 2nd period para sa 44-40.
Sa unang laro, matapos simutin ng TNT ang Beermen sa blowout na Game 5, diniskarga ng mag-aalak ang texters para itabla ang laro sa 3-3 nang bumida si Marcio Lassiter sa 19 pts, habang muling nanguna sa bench scoring si Filipino-Tongan Moa Tautuaa na bumanat ng 24 puntos.
“We show experience in this kind of situation, we know what to do, we know how to lose and win the game and we know that this is a do-or-die for us and luckily we have a good start and able to sustain our energy,” pahayag ni San Miguel coach Leo Austria. sa post-game press conference, kung saan nangibabaw rin ang mga ito sa rebounding habang nagtala ng biggest lead na 26 points sa 42 seconds ng 3rd period sa 84-58 mula sa dunk ni CJ Perez.
Tumikada naman ng tig-16 puntos sina Jayson Castro at Ryan Reyes para sa TNT na sinubukan pang ibaba sa 10-puntos ang kalamangan ng SMB mula sa 9-0 run sa 2:44 ng 4th period, ngunit isang pamatay sunog na tres ang binitawan ni Lassiter para siguraduhin ang panalo.





Comments