#HOTNEWSNG2022: Yearend Report 2022
- BULGAR
- Dec 30, 2022
- 6 min read
ni Lolet Abania | December 30, 2022

ENERO
ENERO 1, sinimulan na ng gobyerno ang pagkolekta sa mas mataas na “sin taxes”. Sa ilalim ng Republic Act No. 11467, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 2021, tataas ang excise taxes ng mga produktong alak at sigarilyo.
ENERO 14, sinampahan ng kasong murder ng National Bureau of Investigation ang 17 pulis kaugnay sa tinaguriang “Bloody Sunday” operations sa Calabarzon na naganap noong Marso 7, 2021.
IKA-16 ng Enero, matapos na kumalat sa United States ang Omicron variant at nakapagtala ng 1 milyon dagdag sa COVID cases sa isang araw sa lugar, kumalat na rin ang naturang variant sa Pilipinas habang pumalo ang kaso ng COVID-19 sa 39,004.
ITINIGIL muna ang “no vaccination card, no ride” policy sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila.

PEBRERO
PEBRERO 7, umarangkada ang “Resbakuna Kids” program o pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga may edad 5 hanggang 11. Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Health na hindi ito mandatory at gaya ng pagbabakuna sa edad 12-17, pinapipirma rin ng consent form ang mga magulang at assent form naman sa mga bata.
PEBRERO 9, nagsimula na ang campaign period para sa mga kandidatong tatakbo sa 2022 national and local elections.
PEBRERO 28, dahil sa tuluy-tuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, itinakda na ring ibaba sa Alert Level 1 ang National Capital Region at 38 lugar sa bansa sa unang araw ng susunod na buwan, kung saan papayagan na ang full capacity sa mga bus at jeep, habang 100% balik-trabaho, at face-to-face classes na rin.

MARSO
IKA-11 ng Marso, nakumbinsi ang mga tsuper na hindi magtigil-pasada dahil sa walang tigil na taas-presyo ng langis sa bansa, matapos ang desisyon ng Department of Transportation na itaas sa P13,000 ang fuel subsidy na kanilang matatanggap.
IKINASA ng DOTr na masimulan ang pagpapatupad ng expanded “Libreng Sakay” program sa mga bus, jeep at UV express sa ilalim ng Service Contracting Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
MARSO 27, itinaas sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal sa Batangas matapos na muling sumabog.

ABRIL
Nagkasundo ang noo’y Pangulong Rodrigo Duterte at si Chinese President Xi Jinping, sa naging pulong nila sa pamamagitan ng telephone summit, na magkaroon ng kapayapaan at stability sa pinag-aagawang teritoryo na West Philippine Sea, noong Abril 10.
ABRIL 27, naaresto ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group katuwang ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang tatlong hinihinalang hacker, na sinasabing may access sa sistema ng Smartmatic Inc., ang system provider para sa automated 2022 elections, na nagbebenta umano ng pagkapanalo ng mga kandidato sa May 9 national at local elections.

MAYO
MAYO 3, nagdesisyon si noo’y Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng online sabong.
APRUB na sa DOLE ang P33 dagdag sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Dahil dito, ang minimum wage rate na sa NCR ay P570 para sa non-agriculture sector at P533 naman sa mga manggagawa sa agriculture sector. Mayroon ding P55-P110 taas-suweldo sa Visayas habang nasa P500 namang dagdag-sahod sa mga kasambahay, noong Mayo 15.
MAYO 26, pormal nang naiproklama bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at si Mayor Sara Duterte-Carpio bilang ika-15 Pangalawang Pangulo ng bansa. Batay sa official partial tally ng NBOC, umabot sa 31,629,783 ang nakuhang boto ni P-BBM at may botong 32,208 ,417 naman ang nakuha ni VP Sara.

HUNYO
IKA-13 ng Hunyo, muling sumabog ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon habang nagkaroon ng pyroclastic flow at nagbuga ng mga abo at bato.
HUNYO 29, ganap nang batas ang panukala na layong magbigay ng dagdag-benepisyo sa mga solo parent, kung saan may P1K ayuda ang kanilang matatanggap at scholarship para sa kanilang mga anak, exempted sa VAT at 10% discount at iba pa.

HULYO
HULYO 18, idineklara ng Food and Drug Administration (FDA) na ligtas kainin ang mga Lucky Me! instant noodle products na gawa sa Pilipinas, matapos na unang maglabas ng advisory ang tatlong bansa sa Europa laban sa ilang batch ng noodles ng Lucky Me! dahil umano sa ethylene oxide na karaniwang ginagamit sa paggawa ng pesticide.
HULYO 25, tatlo ang napatay, kabilang si dating Lamitan City Mayor Rose Furigay, Victor Capistrano, executive assistant ni Furigay at isang security guard ng Ateneo de Manila University sa Quezon City, matapos ang pamamaril ng suspek na si Dr. Chao-Tiao Yumol, na nakaalitan ng dating alkalde, sa ginanap na 2022 Commencement Exercises ng Ateneo Law School.
HULYO 26, bukod sa nais na mabawasan ang utang ng gobyerno at maging kaunti na lang ang mahihirap sa 2028, inilatag ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang 19 na priority legislative measures sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
LIMA ang nasawi at 60 ang sugatan habang maraming tulay at gusali ang nawasak dahil sa magnitude 7 na lindol sa Luzon na naitala ng Phivolcs, noong Hulyo 27.
HULYO 30, kinumpirma ng DOH ang unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas. Ito ay matapos na ianunsiyo ng World Health Organization sa lahat ng bansa ang pagkalat ng monkeypox.
IKA-31 ng Hulyo, pumanaw na ang ika-12 pangulo ng Pilipinas na si dating Presidente Fidel V. Ramos sa edad na 94.

AGOSTO
GANAP nang batas ang panukala na layong maging permanente ang bisa ng Birth, Death at Marriage certificates mula sa Philippine Statistics Authority.
AGOSTO 31, nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court kaugnay sa implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa ilang lugar sa Metro Manila, na una na ring inapela ng Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Metropolitan Manila Development Authority na ito ay suspendihin.

SETYEMBRE
IKA-12 ng Setyembre nang pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Executive Order No. 3 na nagbibigay pahintulot sa optional na pagsusuot ng face mask sa mga non-crowded outdoor area na may maayos na bentilasyon.
SETYEMBRE 17, inaprubahan ng LTFRB ang taas-pasahe sa mga traditional public utility jeepney at modern jeepney at iba pang public utility vehicles maging ang transport network vehicle services. Ang pasahe sa TPUJ ay P12 at P14 sa MPUJ, habang may taas-pasahe sa pampasaherong bus na P2 at P5 naman sa taxi at TNVS.
SETYEMBRE 21, isang memorandum of agreement ang nilagdaan nina DSWD Sec. Erwin Tulfo at PAO Chief Atty. Persida Acosta na layong habulin ng dalawang ahensiya ang mga ama na ayaw sustentuhan ang kanilang anak sa kanilang mga ex. Paglabag sa RA 9262 ang ikakaso sa mga tatay na pabaya na may parusang 20 taong kulong at penalty na P100,000-P300,000.
SETYEMBRE 26, nanalasa ang Super Typhoon Karding sa bansa, kung saan 8 lugar ang Signal No. 5.

OKTUBRE
IKA-3 ng Oktubre, umabot sa 433 winners ang naghati-hati sa Grand Lotto 6/55 draw na may jackpot prize na P236,091,188.40 at may kumbinasyong numero na 09-45-36-27-18-54.
OKTUBRE 11, pirmado na ni Pangulong Bongbong Marcos ang Subscriber Identity Module Card Registration Act na nag-oobliga sa bawat isa na iparehistro ang kanilang SIM cards. Maaaring makulong ng 2 taon at multang P4 milyon halaga sa mga pasaway.
OKTUBRE 13, nilagdaan na ni Pangulong Marcos ang batas na pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sanang idaos ngayong taon. Batay sa Republic Act No. 11935, sa halip na Dis. 5, iniurong ang eleksyon sa huling Lunes ng Oktubre 2023 na gaganapin kada 3 taon.
BAGO matapos ang buwan ng Oktubre, nabuo ang Bagyong Paeng na nanalasa sa mga sumunod pang araw. Umabot sa 160 ang nasawi na karamihan ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang bilyong pisong halaga naman ng mga ari-arian ang nawasak.

NOBYEMBRE
INILUNSAD ang “Kadiwa ng Pasko” program ni Pangulong Bongbong Marcos na layong magbigay ng dekalidad at abot-kayang gulay, karne, isda at iba pang produkto. Tulong din ito sa lokal na agricultural producers at maliliit na negosyante na ma-promote at maibenta ang kanilang mga produkto.
NOBYEMBRE 20, nakuha ni Pangulong Marcos ang “pinakamagandang regalo” para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kapaskuhan, matapos na ihayag ni Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman na sasagutin niya ang hindi pa nababayarang suweldo na 2 billion riyals (P30.44 billion) ng nasa 10K OFWs na nagtrabaho sa construction companies sa Saudi na nagdeklara ng bangkarote noong 2015 at 2016.
NOBYEMBRE 27, pormal nang inilunsad ng pamahalaan ang anti-illegal drugs advocacy program ng Marcos administration na tinawag na “Buhay Ay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA).

DISYEMBRE
PINATAWAN ng sanction ng Department of Treasury’s Office of Foreign Assets Control (OFAC) ng Estados Unidos ang founder at pastor ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy dahil sa umano’y mga pang-aabuso sa karapatang pantao. Sa ilalim ng sanction, lahat ng ari-arian at interes sa ari-arian ng mga pinatawang tao na nasa Estados Unidos, o nasa pangangalaga o kontrol ng mga tao sa Estados Unidos, ay blocked at iuulat sa OFAC.
DISYEMBRE 16, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala para sa Maharlika Investment Fund (MIF), kung saan nakakuha ng 279 na yes votes, 6 na no votes at zero abstention.
DISYEMBRE 18, ang founder ng CPP-NPA na si Joma Sison ay pumanaw na sa edad na 83.
DISYEMBRE 27, itinakda ang simula ng pagpaparehistro sa subscriber identity module (SIM) card ng mga Pilipino. May 180 araw ang subscriber para magrehistro ng SIM card para hindi ma-deactivate sa susunod na taon.
BAGO matapos ang taon, pumalo sa P720 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas. Kaugnay nito, ibinulgar ni Senator Imee Marcos na nagsabwatan ang mga hoarders, smugglers at mga opisyal sa Department of Agriculture kaya sobrang taas ang presyo ng sibuyas.
IPINAG-UTOS ni Pangulong Bongbong Marcos na suspendido pa rin ang online sabong.





Comments