Hong Kong at Pakistan, kagrupo ng Pinas sa Olympic Qualifiers
- BULGAR
- Jan 14, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 14, 2023

Nabunot ang Philippine Women’s Football National Team sa Grupo E ng Asian Qualifiers para sa Paris 2024 Olympics sa opisyal na seremonya Huwebes ng hapon sa Kuala Lumpur, Malaysia. Kasama ng Filipinas ang Hong Kong, Tajikistan at Pakistan sa torneo na gaganapin mula Abril 3 hanggang 11.
Ang mga Pinay ang maagang paborito na mag-reyna sa grupo sa bisa ng kanilang pagiging ika-53 sa pinakabagong FIFA World Ranking. Ang Hong Kong ay ika-77, ika-144 ang Tajikistan at ika-160 ang Pakistan.
Hindi pa tiyak kung saan sa apat na bansa gaganapin ang mga laro. Maaari rin na ganapin ito sa isang neutral na lugar kung walang mag-aako ng pagiging host.
Tanging ang mga kampeon lang sa nabuong pitong grupo ang tutuloy sa Round 2 sa Oktubre. Naghihintay sa kanila roon ang limang pinakamataas ang FIFA Rank sa Asya na Hilagang Korea (10), Japan (11), Australia (12), Tsina (14) at Timog Korea (15).
Ang paglahok sa Olympic Qualifier ay bahagi ng paghahanda ng Filipinas para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Hulyo. Matapos ang qualifier ay puno ang kanilang kalendaryo sa 32nd SEA Games sa Mayo at ang huling linggo bago ang World Cup kung saan sasabak sila sa mga FIFA Friendly.
Samantala, magkakaroon ng tryout para sa Azkals Development Team ng Philippines Football League (PFL) mula Enero 19 hanggang 24 sa Rizal Memorial Stadium. Bukas ito sa lahat ng mga manlalaro na ipinanganak mula 2001 hanggang 2005 at may pasaporteng Filipino.





Comments