top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Home isolation benefit packages ng PhilHealth, lokohan lang?!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 16, 2022
2 min read

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | January 16, 2022



Ngayong dumaranas na naman ng surge ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa, may ilan tayong mga kababayan na pinipiling mag-home quarantine imbes na manatili sa health facilities.


Maganda sana ito dahil mailalaan ang ilang health services sa mga seryosong kaso na nasa mga ospital o kaya’y sa mga hindi kayang mag-home quarantine dahil maaaring kulang ng pasilidad ang kanilang bahay.


Ngunit ilang miyembro ng PhilHealth ang dismayado sa ahensiya, lalo na sa home treatment package nito.


☻☻☻


May ilang kaibigan at kakilala ang inyong lingkod na nahihirapang lumabas para magpaospital, kung kaya’t gusto nilang kumuha ng COVID-19 Home Isolation Benefit Packages (CHIBP) ng ahensiya, ngunit anim lang pala ang accredited providers nito sa buong bansa.


At wala ni isang provider ng package na ito sa National Capital Region (NCR).


Ito ang ating natuklasan nang tingnan ang website ng ahensiya upang kumuha sana ng impormasyon kung paano makakakuha ng serbisyong ito.


Noong August 2021 pa pino-promote ng PhilHealth ang serbisyong ito para sa mga miyembrong positibo sa COVID-19 na piniling tumanggap ng suportang pangmedikal sa kanilang mga tahanan. Diumano ay available ito sa mga pasyenteng nasa surge areas na pumasa sa clinical at social criteria.


Kasama sa home isolation package ang home consultations, daily monitoring ng mga pasyente, at home isolation kit na mayroong alcohol, facemask, thermometer, pulse oximeter at mga gamot.


☻☻☻


Ang tanong natin: Bakit mag-aanunsiyo at magpo-promote ng serbisyo na hindi naman pala available? Isang institutional fail ito.


Dapat sana ay handa na ang lahat bago inanunsiyo ang package na ito, otherwise, parang malaking PR stunt lang ang Home Isolation Benefit Package para lang masabing may programang ginagawa ang PhilHealth para sa members nito. Halos isang taon na, pero walang nakakaalam kung ano ang proseso para maka-avail ng package.


Parang paulit-ulit na lang itong lokohan. Kawawa na naman ang mga kababayan nating umaasa na may ganitong tulong, ngunit hindi naman pala talaga nila mapakikinabangan.


Huwag na sanang paasahin ang mga tao sa wala. May sakit na nga, pakiramdam pa, eh, parang na-scam.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page