top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Holtmann namayani sa Azkals nagtagumpay kontra Mongolia

BULGAR
Jun 12, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 12, 2022



Sulit na sulit ang matagal na paghihintay ng Philippine Azkals kay Gerrit Holtmann at namayani siya sa 1-0 tagumpay kontra host Mongolia sa pagpapatuloy ng 2023 AFC Asian Cup Qualifiers Round Three noong Sabado sa Ulaanbaatar, Mongolia.


Sa kanyang unang laro sa pambansang koponan, ipinasok ni Holtmann ang bola sa ika-93 minuto upang mabuhay ang pag-asa na makabalik sa pinakamalaking torneo ng kontinente sa susunod na taon.


Kahit dominado ang mga Mongolian at kontrolado ang bola ng 80% ng panahon, hirap ang mga Pinoy na mahanap ang goal. Ito ay kapareho ng kanilang unang laro noong Miyerkules na 0-0 tabla sa Yemen.


Subalit walang Holtmann noon na dumating sa Mongolia noong Huwebes. Bagong kasal ang manlalaro at may inasikaso din siya sa kanyang koponan sa Alemanya.


Dahil sa milagrong resulta, pansamantalang umakyat sa liderato ng Grupo B ang Pilipinas na may apat na puntos. Hinihintay ang resulta ng tapatan ng Palestine at Yemen.


Dapat ay sa mga FIFA Friendly noong Marso laban sa Malaysia at Singapore ay lalaro na sa Azkals si Holtmann, anak ng isang Filipina at Aleman, subalit nagpositibo siya sa COVID-19 bago umalis. Ilang beses din napurnada ang kanyang pagsuot ng uniporme sa sari-saring dahilan, kasama ang posibilidad na mapabilang siya sa pambansang koponan ng Alemanya na apat na beses na naging kampeon ng FIFA World.


Wawakasan ng Azkals ang kanilang kampanya laban sa Palestine sa Martes simula 12:30 ng tanghali. Kahit ano maging resulta ng Palestine-Yemen, kailangang magwagi ng malaki ang mga Pinoy sa mga Palestino upang maging numero uno sa Grupo B at matiyak ang kanilang paglahok sa Asian Cup.


Hinahanapan pa ng host ang torneo matapos magbitiw sa tungkulin ang Tsina. Tumatanggap na ang AFC ang mga alok ng mga nais mong bagong host at ihahayag ito agad oras na may napili.

Laro ngayong Martes -MFF Football Center

12:30 PM Pilipinas vs. Palestine


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page