Holiday, iniangat ang Bucks; Nurkic, nagmulta dahil sa away
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 24, 2022

Umaayos sa tamang panahon ang nilalaro ng Milwaukee Bucks at itinala ang mahalagang 126-98 panalo sa Chicago Bulls sa NBA kahapon sa Fiserv Forum. Umangat sa 45-27 ang Bucks at may nalalabi silang 10 laro upang maagaw ang unang puwesto sa Eastern Conference mula sa 47-25 na Miami Heat.
Sa first quarter lang pinaporma ang Bulls at mula roon ay walang nakapigil sa arangkada ng Bucks na umabot ng 35 puntos ang lamang papalapit sa last 2 minutes, 124-89. Nagtulungan sina Giannis Antetokounmpo at Brook Lopez upang diktahan ng tiyempo ng laro patungo sa 59-43 lamang matapos ang first half at hindi na binitiwan ito. Nanguna sa Bucks si Jrue Holiday na may 27 puntos. Sumunod si Giannis na may 25 puntos at 17 rebound.
Nagbabago ang timpla ng Golden State Warriors kapag wala si Stephen Curry at inagaw ng kulelat ng Orlando Magic ang pagkakataon upang maukit ang 94-90 na tagumpay. Saglit ibinalik ng 3-points ni Andrew Wiggins ang lamang sa Warriors na may isang minuto sa orasan, 88-86, subalit sinagot ito ng tres ni Mo Bamba at tatlong free throw ni rookie Franz Wagner para lumayo ng 4 na puntos sa huling 13 segundo, 92-88.
Nagpalitan ng shoot sina Jordan Poole at Wagner at inagaw ni RJ Hampton ang bola kay Klay Thompson upang maselyuhan ang ika-20 panalo lang sa 73 laro at ikatlong sunod na talo ng Golden State. Namuno sa Magic si Wendell Carter Jr. na may 19 puntos habang 18 puntos si Wagner. Umapoy para sa 45 puntos buhat sa pitong tres si Trae Young upang hatakin ang Atlanta Hawks sa 117-111 panalo kontra New York Knicks.
Samantala, kahit hindi nag-uniporme at naglaro ay nagmulta ng $40,000 (P2.095M) si Jusuf Nurkic ng Portland Trail Blazers dahil nakaaway ang isang fans nang agawin at ihagis ang cellphone nito matapos mabigo sa Indiana Pacers noong isang araw, 98-129. Ayon sa imbestigasyon, nagalit ang sentro matapos magsalita ng hindi maganda ang fan tungkol sa kanyang nanay at pumanaw na lola.





Comments