Hold on, magilas sa Condition Race 22
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 20, 2022
Nagpakitang-gilas agad si Hold On matapos manalo sa Condition Race 22 na inilarga sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.
Nirendahan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, nirehistro ni Hold On ang 1:28 minuto sa 1,400 meter race.
Dumating na segundo si Classy Babe, tersero si Galing Sa Mabait habang pumang-apat si Takdang Panahon.
Samantala, sa darating na Biyernes na muling masisilayan sa pista si Righteous Ruby pagsalang nito sa 2022 PHILRACOM-Philippine Sportswriters Association, (PSA) Cup na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Rerenda kay Righteous Ruby si former PSA-Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez sa karerang may distansiyang 1,600 meter race.
Ang ibang nagsaad ng pagsali sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ay sina Best Regards, Darleb, Crowded Trade, Dragon Butterfly, Full Stream, Shastaloo, Super Ninja at Time For Glory.
Ayon sa mga komento ng karerista sa social media, inaasahan nilang magpapakitang gilas si Righteous Ruby pero mapapalaban din siya ng todo dahil matitikas din ang mga kasali.
Para sa ibang karerista, napipisil nila sina Super Ninja at Darleb na puwedeng maka tsamba sa laban.
Wala pang official na lineup, maaaring hindi makasali ang iba pero tiyak na magandang laban ang masisilayan ng mga karerista dahil sa nakalaan na premyo.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P300,000, kukubrahin ng second placer ang P100,000 habang P50,000 ang sa third.





Comments