top of page

Hirit sa DOLE... “No vaccine, no salary”, dapat aksyunan – ALU-TUCP

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 18, 2021
  • 2 min read

ni Lolet Abania | October 18, 2021


ree

Ipinahayag ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ngayong Lunes na ipinatutupad sa mga manggagawa ang tungkol sa “no vaccine, no salary” policy ng isang kumpanya sa Metro Manila.


Sa isang interview kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, sinabi nitong ilegal ang pagsasagawa ng naturang polisiya, habang hinimok ang mga apektadong empleyado na dalhin at ipaalam ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kaukulang aksyon.


“Bawal na bawal iyan, may kaukulang fines ‘yan doon sa employer na napatunayan na gumagawa nito,” ani Tanjusay.


Ayon kay Tanjusay, may isang grupo ng mga empleyado mula sa isang kumpanya sa National Capital Region (NCR) na ipinabatid sa kanila na isinasagawa ang ganitong polisiya.


Agad namang hinimok ng opisyal ang DOLE na mag-isyu ng isang labor advisory warning laban sa mga employer na nagpapatupad ng katulad na polisiya.


“Sa tingin namin hindi lang isang insidente ito,” sabi pa ni Tanjusay.


Samantala, sa isang media briefing, mariing ipinahayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang pagpapabakuna kontra-COVID-19 ay hindi isang requirement sa mga manggagawa para makatanggap ng kanilang mga suweldo.


“Hindi po dapat maging basis ang pagbabakuna para mabigyan ng suweldo ‘yung mga nagbigay na ng trabaho para po dito sa kanilang mga work,” paliwanag ni Vergeire.


“Unang-una, wala po tayong batas pa na nagsasaad na kailangan mandatory ‘yung pagbabakuna. And that was verbalized by the Department of Justice,” dagdag ng kalihim.


Giit ni Vergeire, layon lamang ng gobyerno na hikayatin ang publiko na magpabakuna kontra-COVID-19 sa tuwing nagbibigay sa kanila ng mga insentibo.


Aniya pa, dapat na ang tutukan ng DOLE na maresolba ang isyu.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page