Tulak, nakipaghabulan at barilan sa mga pulis, todas
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Janice Baricuatro @News | January 28, 2026
Photo: Makikita sa larawan ang duguang katawan ng suspek na si alyas Tol, matapos makipaghabulan at barilan sa mga pulis mula sa Lungsod ng Bacoor at nagtapos sa bayan ng Kawit matapos siyang makatunog sa buy-bust operation ng pulisya sa Cavite. Makikita ring nawasak ang ilang bahagi ng puting sasakyan nito matapos banggain ang ilang patrol car, private vehicles at dalawang sibilyan na ginagamot na ngayon sa ospital. (Janice Baricuatro)
Nagmistulang eksena sa pelikula ang naganap na habulan at barilan na nagsimula sa Lungsod ng Bacoor at nagtapos sa bayan ng Kawit sa Cavite nang magtangkang tumakas at manlaban ang suspek sa buy-bust operation ng pulisya kung saan napatay din siya habang dalawa pa ang nasugatan.
Isinagawa ang buy-bust operation ng Bacoor PNP sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Alexie Desamito, alas-12:30 ng tanghali.
Target ng operasyon si alyas Tol, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City, na umano’y sangkot sa ilegal na droga.
Nakatunog umano ang suspek na may mga pulis sa paligid sa gitna ng transaksyon sa Brgy. Kaingen, Digman kaya agad nitong pinaputukan ang mga pulis bago tumakas sakay ng puting Innova.
Habang tumatakas, ilang ulit nitong binangga ang patrol car ng pulis at pati mga pribadong sasakyan sa Kawit, Cavite Road, dahilan para malagay sa panganib ang mga motorista at residente. Hindi pa nakuntento, patuloy pa umano itong nagpaputok ng baril habang hinahabol.
Pagdating sa Marulas Bridge, Brgy. Marulas, Kawit, ay tuluyan nang nakorner ang suspek na tinamaan sa palitan ng putok kaya agad nasawi habang dalawang residente mula sa bayan ng Kawit ang sugatan nang mahagip ng sasakyan.
Samantala, rumesponde ang Cavite Provincial Forensic Unit para sa masusing imbestigasyon at pagproseso ng ebidensya sa pinangyarihan ng insidente.












Comments