Hirit ni Sen. ‘Bato’, heinous crime na may kaugnayan sa droga lang ang “bibitayin”, ngek!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 24, 2020
TANTANAN NA ANG PAMBA-BASH SA BATANG ANAK NG KILLER COP—Nanawagan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Commission on Human Rights (CHR) sa mga netizens sa social media na huwag nang idamay at i-bash ang batang anak na babae ni Sgt. Nuezca kasi sa murang edad nito ay hindi naman niya akalaing ang pag-join niya sa away ng matatanda ay hahantong sa pagpatay ng kanyang ama sa mag-inang Sonya at Frank Anthony.
May punto ang DSWD at CHR kaya’t sana ay tantanan na ng mga netizens pamba-bash sa bata, at ang isumpa at kasuklaman na lang sa isyung ito ay ang killer cop, period!
◘◘◘
GUSTONG IBALIK NI SEN. DELA ROSA ANG DEATH PENALTY, PERO HINDI NAMAN KASAMA SA “BIBITAYIN” ANG MGA MURDERER—Kabilang si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga pulitikong nagpabida sa pagpatay ni P/Sgt. Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio, na ayon sa senador ay dapat na talagang ibalik ang isinusulong niyang parusang kamatayan, kaya lang sablay ang pabida niyang ito.
Nasabi nating sablay ang nakasaad sa panukalang-batas na kanyang isinusulong ay tanging heinous crime na may kaugnayan sa droga lang ang “bibitayin” at hindi kasama rito ang mga murderer na pulis na tulad ni Sgt. Nuezca, boom!
◘◘◘
MGA SANGKOT LANG SA DROGA ANG GUSTONG “IPABITAY”, HINDI KASAMA ANG MGA MURDERER, RAPISTS AT PLUNDERER—Ang isinulong na panukalang-batas ni Sen. Dela Rosa tungkol sa death penalty na tanging mga sangkot lang sa ilegal na droga ang papatawan ng parusang kamatayan ay ibinase lang ng senador sa speech ni P-Duterte sa kanyang SONA (State of the Nation Address) noong July 27, 2020.
Sa speech ni P-Duterte noon sa kanyang SONA, gusto raw niyang ibalik ang death penalty, kaya nga lang ang mga nais niyang “ipabitay” ay mga sangkot lang sa ilegal na droga, at suwerte ang mga murderer, rapist at plunderer kasi hindi sila kasama sa parusang kamatayan, buwisit!
◘◘◘
MALIGAYANG PASKO PO SA INYONG LAHAT—Mamayang pagsapit ng alas-12:00 am ay Pasko na.
Kaya’t sa lahat ng mga kababayang patuloy na tumatangkilik sa BULGAR newspaper at BULGAR online, Maligayang Pasko po sa inyong lahat!





Comments