top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Hirit ni Ret. Justice Carpio, mga nagsusulong Ng Cha-cha, walang alam sa batas

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 16, 2024
3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 16, 2024


DERETSAHANG SINABI NI RET. JUSTICE CARPIO, P-BBM, MGA SEN. AT CONG. NA NAGSUSULONG NG CHA-CHA, MGA WALANG ALAM SA BATAS TUNGKOL SA ‘LAWS ON FOREIGN OWNERSHIP IN THE PHILIPPINES’ -- Sa pagdinig sa Senado ay deretsahang sinabihan ni retired Associate Justice Antonio Carpio na mga walang alam sa batas tungkol sa “laws on foreign ownership in the Philippines” sina Pres. Bongbong Marcos, mga senador at kongresista na nagsasabing kailangan daw baguhin ang economic provisions sa Konstitusyon, na kesyo dapat daw para umasenso ang Pilipinas ay magkaroon na ng 100% ownership ang mga foreign investor na magtatayo ng negosyo sa bansa. 


Paliwanag ni Carpio, hindi na kailangang baguhin ang Konstitusyon para sa economic provisions dahil napakarami na raw inamyendahang batas sa Saligang Batas na pumabor sa mga dayuhang kapitalista at kabilang daw dito ang 100% ownership sa itatayong negosyo ng mga foreign investor sa bansa, na ayon sa dating mahistrado na kaya lang naman daw ayaw ng karamihan sa mga dayuhang kapitalista na magtayo ng negosyo sa ‘Pinas ay dahil mahal ang singil sa kuryente, matinding trapik, kulang sa infrastructure, sandamakmak na permits at ‘korupsiyon’, period!


◘◘◘


MGA KANDIDATONG SIKAT ANG APELYIDO, MGA PABIDA LANG PERO WALANG ALAM SA BATAS, HUWAG IBOTO -- Matanim sana sa isipan ng ating mga kababayan ang sinabi ni ret. Justice Carpio na mga wala raw alam sa batas patungkol sa “laws on foreign ownership in the Philippines” ang mga high ranking elected officials, presidente, senator at congressmen na mga nagsusulong ng Cha-cha.


Sa totoo lang kasi, importante na ang mga iniluluklok ng mga botante sa poder ay iyong mga kandidatong may alam sa batas, at hindi ‘yung porke sikat lang ang mga apelyido, mga nagpapabida sa publiko ay ibinoboto na.


Kita n’yo tuloy ang nangyayari sa bansa, sobrang hirap ng buhay ng mamamayan sa mataas na presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos iyong mga walang alam sa batas na ibinoto ng majority Pinoy ay ang sasarap ng buhay at patuloy pa ang pagyaman, boom!


◘◘◘


36% PINOYS NANINIWALANG KAYANG SOLUSYONAN NI EX-VP LENI ANG MGA PROBLEMA NG BAYAN, KUMBAGA PARANG SINABI SA SURVEY NA MARAMI NA ANG NAGSISISI KUNG BAKIT SI P-BBM PA ANG IBINOTO -- Sa inilabas na survey ng WR Numero Research Firm ay 36% ng Pinoy ang naniniwalang kayang lutasin ni former Vice Pres. Leni Robredo ang mga kinakaharap na problema ngayon ng bansa kung siya ang nagwaging presidente, at 35% ang nagsabing hindi sila naniniwalang kayang solusyonan ng dating bise presidente ang mga suliranin ng ‘Pinas at 29% ang walang katiyakan ang sagot.


Kung pagbabasehan ang 36% na pumabor kay ex-VP Leni at 35% ang kumontra, lumalabas na may 1% na inilamang sa survey na ito ang dating bise presidente.


Patunay ang survey na ‘yan na marami na sa mamamayan ang nagsisisi kung bakit si P-BBM pa ang ibinoto sa pagka-presidente at hindi si ex-VP Leni, boom!


◘◘◘


PARANG NANAWAGAN ANG COMELEC SA SLOGAN NILANG ‘KUNG MAY MALI ITAMA NATIN’ NA HUWAG NANG IBOTO NG MAMAMAYAN ANG MGA TRAPO, DYNASTY AT MGA PABIDANG KANDIDATO – “Kung may mali, itama natin”. ‘Yan ang napakagandang slogan ng Comelec sa voter’s registration na nag-start last Feb. 12, 2024.


Kumbaga, sa slogan na ito ng Comelec ay waring nananawagan silang “maling iboto” ang mga trapo (traditional politicians), mga pulitikong may dynasty at mga pabidang sikat na kandidato na  kapag naluklok ay wala nang paki sa mga suliranin ng bayan at mamamayan.


Sa totoo lang kasi kada eleksyon ay may mga matitinong kumakandidato na ang hangarin ay maglingkod sa bayan at sa mamamayan, ewan lang kung bakit ayaw silang iboto ng majority Pinoy, na mas gustong iboto ang mga trapong may bahid ng korupsiyon, mga magkakamag-anak na pulitiko at mga sikat na kandidatong pabida lang sa publiko, na kapag nasa poder na, ay nganga lang sa puwesto, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page