top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Hirit ni Cong. Goma na postponement ng Bgy. Elections, sablay!

BULGAR
Jul 15, 2022
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 15, 2022


KAPITAN AT KAGAWAD NA NANGURAKOT SA AYUDA AT RELIEF GOODS, GUSTONG PANATILIHIN NI CONG. GOMA SA PUWESTO—Pinutakti nang batikos si Leyte 4th Dist. Rep. Richard Gomez sa kanyang mungkahing ipagpaliban muna ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections at ang tinatayang P8 bilyon na gagastusin sa halalang pambarangay ay gagamitin na lang ni President, Agriculture Sec. Ferdinand "Bongbong" Marcos sa kanyang mga programa sa agrikultura.


Mababatikos talaga si Goma kasi gustung-gusto na ng mga residente sa barangay na matanggal ang mga kapitan at kagawad na nangurakot sa ayuda at relief goods ng magpairal ng lockdown noon ang pamahalaan, tapos ang gusto niya ay manatili pa ang mga ito sa posisyon!


◘◘◘


MAY P85.5-B PONDO ANG AGRICULTURE KAYA'T SANA, HUWAG NANG PAKIALAMAN ANG P8-B PONDONG PANG-HALALANG PAMBARANGAY—Isa pa sa mali sa mungkahi ni Cong. Goma ay gamitin sa agriculture program ang P8-B pondo ng Comelec sa halalang pambarangay.


May nakalululang sariling pondo naman kasi ang Department of Agriculture (DA) na higit P85.5 billion ngayong 2022, tapos ang gusto ni Cong. Goma ay pakialaman ang budget ng Comelec at gawin na lang itong pang-agriculture programs ni PBBM.


◘◘◘


NABUHAY ANG P203-B UTANG SA ESTATE TAX NG PAMILYA MARCOS DAHIL KAY CONG. GOMA—Sa totoo lang, kay Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. nag-boomerang ang mungkahi ni Cong. Goma na ipagpaliban muna ang halalang pambarangay at ang pondong gagastusin na P8-B ay gamitin sa mga agriculture programs ni P-BBM.


Dahil sa mungkahi ni Cong. Goma ay nabuhay na naman ang isyung P203-B utang sa estate tax ng pamilya Marcos, na ayon sa nitizens ay dapat bayaran ng pamilya Marcos at ito ang gamitin sa mga pang-programa sa agriculture, kaysa pakialaman ang barangay elections fund!


◘◘◘


KUNG NAIS NI CONG. GOMA MAKATULONG SA SEKTOR NG AGRIKULTURA, DAPAT ISULONG NIYA ANG PARUSANG KAMATAYAN SA MGA KURAKOT SA AGRICULTURE AT MGA SMUGGLER NG AGRI PRODUCTS—Kung nais talaga ni Cong. Goma, na matulungan ang mga nasa sektor ng agrikultura, tulad ng mga magsasaka at mangingisda, isa lang ang dapat niyang gawin at ito magsulong siya ng parusang kamatayan laban sa mga kurakot sa agriculture department at mga smugglers ng agriculture products.


Diyan dapat magpokus si Cong. Goma at hindi 'yung himukin pa si P-BBM na ipagpaliban ang halalang pambarangay para manatili pa sa puwesto ang mga kurakot, abusado at pabayang mga kapitan, SK chairman at mga kagawad!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page