Search
  • BULGAR

Bukod-tangi ang ‘Pinas na may report na “fresh” at “late” sa COVID-19 cases, tsk!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 23, 2020



MGA CONG., TAKOT NA TAKOT SA COVID-19 — Sinabi ni Speaker Alan Cayetano na dahil wala pang bakuna kontra sa COVID-19 at sa panganib nito ay pinaplano ng Kongreso na istilong teleconference ang gagawin nila sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni P-Duterte sa July 27, 2020.

Hay naku, naglalabasan na nga ang mga tao sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ) kahit may banta pa ng COVID-19, tapos ang mga kongresista, takot na takot sa virus kaya ayaw nang lumabas ng bahay, mga buwisit!

◘◘◘

‘PINAS LANG ANG MAY “FRESH” AT “LATE” REPORT SA COVID-19 CASES — Ayon kay Dr. Tony Leachon, dating consultant ng National Task Force Against COVID-19, bukod tanging sa Pilipinas lang ang may pinaiiral na “fresh” at “late” COVID-19 cases tungkol sa mga tinatamaan ng virus sa bansa.

Isa lang ang ibig sabihin niyan, kaya may ganyang diskarte sa pagre-report ang Deparrment of Health ay nais lang nilang itago ang tunay na bilang ng mga tinatamaan ng virus sa bansa, period!

◘◘◘

HANGGANG NGAYON AY WALA PANG PLANO ANG DOH KUNG PAANO MATATALO ANG VIRUS — Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng virus sa bansa, pero sa kabila nito ay wala pa rin inihahayag ang DOH kung paano matutularan ang ibang bansa na tinalo na ang COVID-19 sa kanilang mga lugar.

Sa sistemang ipinakikita ngayon ng DOH sa publiko ay parang tagabilang lang sila ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa, mga buwisit!

◘◘◘

BAKA PATI KADA POST NG NETIZENS, PATAWAN NA RIN NG TAX — Hindi lang pala ang mga online sellers ang target ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan ng buwis, kundi pati ang mga bloggers at YouTubers.

Tila paubos na talaga ang pondo ng gobyerno kaya lahat nang nakikita nilang puwedeng patawan ng tax sa social media ay tina-target na nila.

Naku, huwag naman sanang mangyari na pati ang mga netizens ay buwisan ng BIR, ‘yun bang kada post may tax, boom!

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.