top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Hirit na i-extend ang voter’s registration, tuloy!

BULGAR
Sep 18, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 18, 2021


Dalawang linggo bago ang deadline ng voter’s registration para sa Halalan 2022, tuloy ang panawagan ng iba’t ibang youth group na palawigin pa ito.


Ito ay dahil marami pa ring ulat mula sa local coordinators na dinadagsa ng mga nais na magparehistro ang Comelec offices.


Panawagan ng mga grupo, iurong ang deadline hanggang Enero 2022 dahil marami pang hindi nakakapagparehistro. Isa pa, makatutulong umano ito upang hindi na dumugin ang Comelec offices.


Dagdag pa ng isang grupo, aprub na sa lahat ang kanilang panawagan at kailangan na lamang magdesisyon ng Comelec para mapalawig ang pagpaparehistro bago matapos ang buwang ito.

Isa lamang ang sektor ng kabataan sa humihiling ng extension dahil umaapela rin ang akademya, ibang cause-oriented groups, pati ang Kamara at Senado.


Matatandaang, unang iginiit ng Comelec na hindi na kakayaning i-extend ang voter registration dahil maaapektuhan ang kanilang paghahanda para sa halalan tulad ng pag-imprenta ng balota at deployment ng election supplies at equipment. Kaya sa halip na i-extend, pinalawig na lamang ang registration hours.


Ayon naman kay Commissioner Rowena Guanzon, karamihan sa Comelec en banc ay hindi na pabor sa extension ng voter registration, bagama’t tatalakayin pa umano nila ang resolusyon ng Senado.


Sa ngayon, nasa 62 milyon na ang nakapagparehistro para sa halalan. Pero ayon sa ilang grupo, lagpas 70 milyon ang kuwalipikadong magparehistro batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).


Matatandaang natigil din ang pagpaparehistro matapos ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila kaya maraming natengga at nang muling payagan sa kabila ng modified enhanced community quarantine (MECQ), dumagsa ang maraming kuwalipikadong botante.


Bagama’t mas mahaba na ang registration hours, ang tanong, sapat ba ito upang maasikaso ang lahat ng nais maging botante bago ang itinakdang deadline?


Ang bawat boto ng kabataan ay may malaking magagawa sa ating bayan. Kaya kung may magagawa tayo para mapagbigyan ang hiling nilang ito, diskartehan natin, lalo pa’t maraming gustong magparehistro upang makaboto.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page