Hirit na, "hindi kasalanan ng ama ang kasalanan ng anak" sa isyu ni Boying, sablay!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 18, 2022
SI SEC. BOYING REMULLA ANG HEAD NG JUSTICE DEPARTMENT ANG ISYU, HINDI 'YUNG "HINDI KASALANAN NG AMA ANG KASALANAN NG ANAK"—Totoo namang ang kasalanan ng anak ay hindi kasalanan ng ama, tulad 'ng kasalanan ni Juanito Juan Remulla na nahulihan ng ilegal na droga, na ang pagkakasangkot niya sa kalakaran ng illegal drugs sa Pilipinas ay hindi puwedeng maging kasalanan ng erpat niyang head ng Department of Justice na si Sec. Crispin "Boying" Remulla.
Kaya lang, ang isyu kaya maraming nananawagang mag-resign si Sec. Boying ay dahil siya ang head ng DOJ at tauhan niyang prosecutors ang titindig sa kaso laban sa kanyang anak.
◘◘◘
IPAGPALAGAY NA HINDI NGA MAKIALAM SA KASO SI SEC. BOYING, PAANO KUNG MAKALAYA ANG ANAK NIYA?—Imbes na manawagan ang mga senador at kongresista kay Sec. Boying na magbitiw sa DOJ dahil anak niya ang lilitisin sa ilegal na droga, aba'y nakikisimpatya pa, na kesyo hindi ito dapat mag-resign kasi hindi kasalanan ng ama ang kasalanan ng anak.
Ipagpalagay na nating totohanin ni Sec. Boying na hindi siya makikialam sa kinasangkutang kaso ng kanyang anak, eh, paano kung ang mga abogado ni Juanito Juan Remulla ay makasilip ng butas sa kaso na maging dahilan upang magdesisyon ang korte na iabsuwelto o pagkalooban ito ng bail o piyansa para makalaya?
Siyempre, kahit hindi siya nakialam, iisipin pa rin ng taumbayan ay nakialam siya sa kaso, at tiyak na kapag naabsuwelto o nabigyan ng piyansa ang anak ng sec. ng DOJ, kay P-BBM mismo ito magbu-boomerang.
◘◘◘
HALOS DOBLE ANG TAAS PRESYO NG LANGIS SA 'PINAS DAHIL SA OIL EXCISE TAX—Totoo naman na buong mundo ang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pero sa Pilipinas ang halos doble ang itinataas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa oil excise tax, na ibig sabihin, tumaas o bumaba man ang halaga ng petrolyo sa buong mundo, palagi na lang may dagdag-presyo sa langis ang bansa dahil sa ipinatutupad na oil excise tax.
◘◘◘
PUMALO NA SA MAHIGIT P119-K ANG UTANG NG BAWAT PINOY DAHIL SA LAKI NG UTANG NG 'PINAS—Sa laki ng iniwang utang-panlabas na iniwan ni ex-P-Duterte at ang utang na ito ay nadaragdagan na ngayon sa panahon ng Marcos administration, base sa kuwentada ng Philippine Statistics Authority, lumalabas na ang bawat isang Pilipino, kasama 'yung mga bagong silang na sanggol ay may utang ng higit P119-K.
Karamihan sa mga Pinoy ay hindi naniniwala riyan, kesyo wala naman silang inuutang na ganyang halaga at imposiblenf magkautang ang sanggol.
Para sa dagdag-kaalaman ng mga hindi nakakaintindi sa isyung ito, hindi naman nila babayaran ng cash ang P119-K pero punahin natin ang mga produkto, pati mga gatas at iba pang gamit para sa sanggol, ang tataas ng presyo at 'yan ay dahil sa tax, at ang malaking bahagi ng tax ay iniipon para bayaran nang hulugan ang sandamakmak na utang ng Pilipinas sa iba't ibang financial institution sa mundo.





Comments