Hirit na alisin sa kaso, ibinasura ng Sandiganbayan... Graft vs. Bonoan, tuloy

ni Jeff Tumbado @News | August 4, 2026

Photo: Senate of the Philippines / File
Ibinasura ng Sandiganbayan 2nd Division ang mosyon ng Office of the Ombudsman na alisin ang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan bilang kapwa akusado sa kasong graft na kinakaharap ni Senador Jinggoy Estrada.
Sa 12-pahinang resolusyon na inilabas nitong Lunes, Agosto 3, 2026, sinabi ng anti-graft court na nabigo ang prosekusyon na magpakita ng sapat na legal na batayan upang alisin si Bonoan sa kasong may kaugnayan sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nilinaw naman ng korte na ang pagtanggi sa mosyon ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring maging state witness si Bonoan sa hinaharap, basta't matugunan ng prosekusyon ang lahat ng rekisito sa ilalim ng Rules of Court.
Ayon sa resolusyon, nananatiling bukas ang posibilidad na hilingin ng prosekusyon ang discharge ni Bonoan bilang state witness sa tamang yugto ng paglilitis kung mapatutunayan nitong natutugunan ang mga kinakailangang kondisyon ng batas.
Binigyang-diin din ng Sandiganbayan na ang kanilang desisyon ay hindi pa paghatol sa magiging halaga ng posibleng testimonya ni Bonoan o sa kredibilidad ng anumang ebidensyang maihaharap nito sa mga pagdinig.
Dahil dito, ibinasura ng korte ang Motion for Leave to File Amended Information dahil sa kawalan ng sapat na merito.
Ang resolusyon ay isinulat ni Associate Justice Edgardo M. Caldona at sinang-ayunan nina Presiding Justice Geraldine Faith A. Econg at Associate Justice Gener M. Gito.





Comments